Balik-eskwela mapayapa, ligtas-DepEd

Balik-eskwela mapayapa, ligtas-DepEd

August 22, 2022 @ 10:33 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Walang nangyaring untoward incident o masamang pangyayari sa unang araw ng balik-eskwela ng mga estudyante sa buong bansa, ayon kay Department of Education (DepEd) spokesperson Atty.Michael Poa  ngayong Lunes.

Sinabi ni Poa na naging mapayapa at ligtas ang pagbubukas ng School Year 2022-2023.

“Sa ngayong umaga, wala pa po kaming natatanggap na major incidents or challenges. Mukhang mapayapa at ligtas ang pagbabalik eskwela ng ating mga learners this morning,” aniya.

Sinabi ni Poa na patuloy silang nakakakuha ng mga ulat mula sa mga regional director ng DepEd upang masubaybayan ang sitwasyon sa mga paaralan sa buong bansa.

Aniya pa na nakasusunod ang mga estudyante, guro, at mga eskwelahan sa itinakdang public health standard partikular sa pagsusuor ng face mask at pag-check sa body temperature.

Batay sa datos ng DepEd, 27.6 milyong mag-aaral, kapwa mula sa pribado at pampublikong paaralan, ang nag-enrol para sa akademikong taon na ito —isang bahagyang pagkukulang mula sa target ng ahensya na 28.6 milyon.

Ang school year na ito ay nagtatakda ng pagpapatupad ng pinagsamang in-person classes at distansya mula Agosto hanggang Oktubre, habang ang limang araw na harapang klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan ay magsisimula sa Nobyembre 2. RNT