Manila, Philippines – Hinikayat ng Malakanyang ang mga public school teachers na subukan ang GSIS Financial Assistance Loan Program o GFAL.
Sa programang GFAL ay mas mababa ang interest rate, maliit ang amortization at mas mahabang loan term na nasa anim na taon.
Puwede na aniyang magkaroon ulit ng hanapbuhay at hindi hanap patay kung saan ang sinasahod ay napupunta lang sa bayad ng interest.
Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng Malakanyang na libu-libong pampublikong guro ang baon sa utang sa pribadong lending institutions.
“iyong mga public school teachers natin ay nababaon sa pagkakautang dito sa mga pribadong mga financing companies ‘no at ang nangyayari eh halos wala ng natitira doon sa kanilang mga suweldo dahil binabawas na nung mga financing companies iyong napakatataas na mga interes na pinapataw doon sa mga pangungutang ng ating mga teachers,” ani Sec. Roque.
Sa GFAL aniya ay matatapos na ang paghihinagpis ng mga ito dahil maliit lamang ang interes ng binabayaran kapag nag-loan.
Sinabi pa ni Sec. Roque na kapag umutang aniya sa GFAL ay may kasama aniya itong libreng financial advising.
“Alam naman natin na kapag ikaw ay nakapag-utang ibig sabihin eh mukhang hindi magaling mag-budget, tutulungan pa tayo ng GSIS,” ayon kay Sec. Roque.
Kaya ang payo nito sa libu-libong pampublikong guro ay pumunta lamang sa GSIS at kung hindi naman makararating sa pinakamalapit na opisina ng GSIS ay puwede aniyang pumunta sa www.gsis.gov.ph at tingnan ang GFAL. (Kris Jose)