Balik-iskul sinalubong ng kilos-protesta ng mga guro

Balik-iskul sinalubong ng kilos-protesta ng mga guro

August 22, 2022 @ 7:27 AM 1 month ago


MANILA, Philippines –  Bukod sa pagsalubong ng ulan at hindi magandang panahon sa unang araw ng pagbabalik-klase sa School Year 2022-2023 ay sinalubong din ito ng kilos-protesta mula sa grupo ng mga guro.

Madilim pa lang ay nagkasa na ng rally ang ACT Teachers Philippines sa Mendiola sa unang araw ng pasukan.

Isinagawa ito ng mga guro bago sila pumasok ng kani kanilang mga paaralan sa Metro Manila.

Giit ng grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi pa handa ang Pilipinas sa face-to-face classes.

Dapat umano ay siguruhin muna ng gobyerno na ligtas ang kapakanan ng mga guro at mga mag-aaral sa pagbabalik sa in-person classes.

Bukod sa mga plakard, bitbit din ng mga guro ang kanilang mga kagamitan sa eskwela tulad ng cleaning aids, hygiene kits, mga printers at maayos na upuan. Panawagan nila na ito ang kakulangan ng DepEd kaya dapat maibigay ito sa kanila.

“Sa halip na lesson plan at gamit panturo lamang ang dala ng guro sa unang araw ng eskwela, sari-saring gamit ang baon nila para mapunuan ang mga kakulangan sa edukasyon. Sa halip na makapokus sila sa pagtuturo, pinoproblema nila ang mga klase na wala pang klasrum, o mga estudyante na wala pang silya at aklat o modules,” sni Vladimer Quetua, ACT Chairperson.

“Of all the many unprepared school openings that we have experienced, this is one of the worst. It is very unfortunate and ironic as this should have been the one that we are most ready for because we are in a pandemic situation and the government had two years to prepare for this,” dagdag pa ni Quetua.

Naging mabilis lang ang kilos-protesta dahil pagkatapos nito ay pumasok din ang mga guro sa kani-kanilang mga eskwelahan.

“Papasok kami at magtuturo sa aming mga klase para matamasa ng ating kabataan ang karapatan sa edukasyon, kahit pa nga ang sitwasyon ng ating mga paaralan ay malayo sa pagiging ligtas at mainam, at napakalabo ng mga plano ng pamahalaan kung mayroon man. Lubhang matagal nang nasakripisyo ang edukasyon ng kabataan sa ilalim ng pandemya at dahil sa pagsasara sa mga paaralan. Sa kabilang banda, paiigtingin pa namin ang pagkalampag sa pamahalaan na gawin ang kanilang trabaho na bigyang prayoridad ang edukasyon, kasama na ang pagprotekta sa kagalingan ng mga guro at pagtataas ng sweldo,” giit pa ni Quetua. RNT