BALIK KALYENG BENTAHAN NG DROGA, MAS LUMAKAS

BALIK KALYENG BENTAHAN NG DROGA, MAS LUMAKAS

December 16, 2022 @ 11:00 AM 2 months ago


NAKABABAHALA ang pahayag ni Senador Ronald”Bato”Dela Rosa na bumalik na naman ang malawakang bentahan ng droga matapos ang termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan tinuldukan ito ng kilalang “Oplan Tokhang” na ikinamatay ng libo-libong drug personalities.

Ayon sa senador, mas lalong lumakas daw ang loob ngayon ng malalaking sindikatong sangkot sa kalakaran ng droga sa bansa makaraang naging malamya ang kampanya ng pamunuan ng kapulisan hinggil dito.

Bumalik din umano ang tinaguriang “Ninja Cops” na nasa likod noon nang panghuhuli ng mga pusher at pag-recycle ng nasabat na ipinagbabawal na gamot at ibinebenta muli sa kalsadang pinutol ng kasagsagan nang mahigpit na kampanya ni Dela Rosa noong siya pa ang pinuno ng Philippine National Police.

Kamakailan lang ay nahuli ng mga otoridad ang ilang Philippine Drug Enforcement Agency agents sa loob ng tanggapan nito habang nagtatarya ng nasamsam na drogang nagkakahalaga ng halos P9 milyon pinaniniwalaang ibebenta sa mga kontak nilang tulak.

Idinagdag pa ng mambabatas na maraming mayor ang nagrereklamo kaugnay sa pagbalik sa kalsada ng bentahan ng drogang ikinatatakot ng taumbayan bunsod sa naglipana na naman ang krimen sa Kamaynilaan tulad ng hold-up, snatching at iba.

Maging sa mga liblib na bayan ay balik sigla ang pagtutulak ng droga matapos na magising ang na tokhang noon na mga pusher na pansamantalang lumayas at tumigil alinsunod sa mahigpit na kampanya noon ni Tatay Digong laban sa hanay nila.

Bagaman kumbinsido ang mambabatas na si Dela Rosa sa programa ngayon ng PNP kung saan tinututukan ang paghuli sa itinuturing na “Big Fishes” ng sindikato subalit kailangang doblehin pa umano ng mga pulis ang pagpapatupad nito ng mga stratehiya upang mapaigting ang kampanya laban sa droga.

Kailangan, aniyang, mapaniwala ng awtoridad ang sambayanan ngayon na seryoso ito na maibalik sa dating pansamantalang natigil ang bentahan nito noong panahon ng dating administrasyong bumaba rin ang kriminalidad at ligtas sa anomang banta sa seguridad ang mamamayan.

Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]