Balik-kuryente sa N. Ecija sigurado ngayong linggo-NGCP

Balik-kuryente sa N. Ecija sigurado ngayong linggo-NGCP

September 28, 2022 @ 11:34 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ngayong Miyerkules na posible nang maibalik ang suplay ng kuryente sa Nueva Ecija 1 Electric Cooperative (NEECO 1) ngayong linggo matapos na salantain ni bagyong Karding.

Sa panayam sa GMA, sinabi ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza na naayos na ang lahat ng transmission lines sa mga kooperatiba na naapektuhan ni Karding maliban sa NEECO I.

“Inaasahan by today, makakapagbigay kami ng mas definite or siguradong restoration schedule pero hindi siguro ito magtatagal this week,” dagdag pa ng tagapagsalita.

Nilinaw ni Alabanza na ang pagpapanumbalik ng mga transmission lines sa mga kooperatiba ay hindi nangangahulugan na bumalik na rin ang suplay ng kuryente sa mga kabahayan, dahil maaaring magkaroon din ang mga kooperatiba ng mga isyu sa kanilang mga linya sa kanilang mga customer na kailangan nilang ayusin.

Ang NEECO I ay naglilingkod sa mga munisipalidad ng Jaen, Cabiao, San Antonio, San Isidro, at ng Lungsod ng Gapan.

Sa ulat nito nitong Martes, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na naranasan ang pagkawala ng kuryente sa 99 na lungsod at munisipalidad dahil sa Karding.

Kung saan, 28 na lugar ang nakabalik na ng suplay ng kuryente. RNT