Balik Scientist Program aarangkada ulit

Balik Scientist Program aarangkada ulit

June 26, 2018 @ 6:30 PM 4 years ago


Muling binuhay ang Balik Scientist Program o BSP na sinimulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noon pang 1975.

Pansamantalang natigil ito makaraang maalis sa pwesto si Pangulong Marcos ngunit binuhay ito ni dating Pangukong Fidel Ramos.

Nitong nagdaang mga araw, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong anyo ng BSP.

MARCOS TIME

Itinatag ni Marcos ang BSP noong 1975 sa bisa ng Presidential Decree 819.

Makaraang ang limang taon,  pinalawig ito sa pamamagitan ng Letter of Instruction No. 1044 mula 1980 hanggang 1986.

Kabilang sa mga itinatag ni Marcos na maging tahanan ng mga Balik Scientist ang UP Los Baños.

Ginawang unibersidad ang UPLB bilang sentro ng agrikultura, kasama na ang pagdiskubre at pagpapaunlad ng mga miracle rice.

Miracle rice ang tawag sa mga tatlong buwang palay kumpara sa 4-5 buwang palay.

Dito naranasan ng Pinas ang magkaroon ng sapat na suplay ng bigas at pagluluwas na rin ng sobrang ani.

MGA BALIK SCIENTIST

Sinasabing nakatulong din ang mga Balik Scientist sa pagtatatag ng mga malalaking dam, gaya ng Magat Dam, pagpapahusay ng quick drying cement, paggawa ng mga markadong tulay gaya ng San Juanico Bridge, Bataan Nuclear Plant, pagtatayo ng Iligan Steel Mill, paggawa ng mga kemikal at fertilizer o abono.

Nakatulong ang mga Balik Scientist kagaya ni Kevin Rodolfo sa pag-aaral sa lahar sa bulkan gaya ng ginawa nito sa lahar ng bulkang Mayon noong 1984.

Magkagayunman, naging kritiko si Rodolfo sa pagtatayo ng nasabing nuclear plant.

Si Dr. Fe del Mundo na nag-aral sa Harvard University ay kasama sa BSP ni Marcos at siya ang kauna-unahang idineklarang babaeng nationalist scientist noong 1980.

Kabilang sa mga nagawa nito ang pagdebelop sa kawayan na isang incubator para sa baby at panimula ng barrio doctors.

Kinilala rin nang husto si Dr. Eduardo Quisumbing na nag-aral sa University of Chicago at naging eksperto sa mga halamang gamot.

Nagkasama sina Del Mundo at Quisumbing na namuno sa National Science Developmet Board na itinatag ni Marcos para sa pag-unlad ng siyensiya at teknolohiya.

LUMAGO NANG LUMAGO

Nang ibalik ang BSP ni Pangulong Ramos sa bisa ng Executive Order No. 130, lumago na ang bilang ng mga ito hanggang ngayon.

Lahat na nang pupwedeng pag-aralan, imbentuhin at iba ba ay nagagawa na ngayon.

Kaya lang, sinasabing hindi pa sapat ang bilang ng mga ito upang magiging kaagapay ng pamahalaan para sa pambansang pag-unlad.

Pero ang pinakamasamang larawan ng ating siyensya at teknolohiya na gustong mapaunlad nang husto at mabilis ay ang pagiging atrasado mismo ng mahal kong Pinas.

KALABAW, NIYOG

Kung pag-aaralan ang pag-unlad ng ating bansa sa siyensiya sa agrikultura at transportasyon, papawisan kayo sa kaiisip, mga Bro.

Hanggang kalabaw lang tayo dahil gawang ibang bansa ang halos lahat ng gamit natin, halimbawa sa agrikultura.

Mula pang-araro reaper o taga-ani at tagagiik na makinang reaper, anak ng tokwa, lahat na imported, lalo na ang mga makina at mahahalagang bahagi ng mga ito.

Sa maunlad na transportasyon sa himapapwid, wala rin tayo at hanggang sa punong-niyo lamang tayo nakaakyat at hindi pa pwedeng lumipad.

Ito’y sa gitna ng imbensyong pupwedeng lumipad mismo ang mga tao hindi lang sa pamamagitan ng mga eroplano kundi maging sa bisa ng mga rocket na ikinakabit sa katawan ng tao.

Nakagawa na ang iba ng mga robot na mas magaling pa sa tao sa pag-iisip at pagtatrabaho ngunit hanggang ngayon, hanggang read ang write lang tayo, bukod sa mga no read-no write na daang libo pa rin ang bilang.

BAGONG BSP

Ngayon nga ay pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na BSP.

Para sa lahat ng larangan ng buhay-Pinoy ang saklaw muli ng nasabing batas.

Kabilang sa mga inaasahan, katulad noong panahon ni Marcos sa mga balik scientist ang hindi lang basta research kundi paglalapat ng bunga ng research o pananaliksik.

Lahat ng kaalaman at karanasan nila sa ibang bansa ay inaasahang maipapakita nila sa Pinas.

Bilang pagsisiguro sa kanilang pagbibigay ng kanilang kaalaman at ginagawa, marami silang magiging benepisyo, lalo na kung magtatagal sila o kaya’y maninirahan na sila nang tuluyan sa Pinas.

Para sa mga babalik sa ibang bansa at babalik, naririyan ang ilang pribilehiyong katulad ng libreng pamasahe sa eroplano.

Magkakaroon din sila ng mga insentibo o sapat na salaping kapalit ng kanilang pagpapakita ng malasakit sa mga target o prayoridad ng gobyerno na roon sila makatutulong.

Sana nga magiging matagumpay muli ang BSP na muling binuhay ni Pangulong Digong para sa kapakanan ng buong bayan.

oOo

Anomang reaksiyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa [email protected] – ULTIMATUM NI BENNY ANTIPORDA