Balik-tanaw sa Yolanda sa pelikula; kakaibang estilo para sa 2020 Cinemalaya

Balik-tanaw sa Yolanda sa pelikula; kakaibang estilo para sa 2020 Cinemalaya

July 29, 2020 @ 5:57 PM 4 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Bagamat ang idaraos na ika-16 Cinemalaya Philippine Independent Film Festival sa magkatuwang na pagganap ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at ng Cinemalaya Foundation ay online, hindi nagpaawat ang mga nasa likod ng pestibal na kakaibang mga lahokang itanghal dito.

Dahil walang karaniwang mahahabang pelikula o yaong full-length films, maiikling pelikula lamang ang mapapanood sa 2020 Cinemalaya.

 

Ito ay dahil sa epekto ng pandemyang COVID-19 na nagpakitid sa pagkilos na pisikal ng mga tao.

“Sa isang taon na lamang namin ibuhubos ang twenty features films,” pahayag ni Jose Javier Reyes, ang Tagapangulo ng Competition at Monitoring ng Cinemalaya.

Sampung matitinding obra ang maglalaban-laban sa short film category na may magkakaibang pamamaraan ng paglalahad.

Isa narito ang pagbabalik-tanaw ng pelikulang “Ang Pagpakalma sa Unos (To Calm the Pig Inside)” na nilikha ng direktor na si Joanna Vasquez Arong.

Ito ay tungkol sa kanyang dokumentasyon ng kalamidad naidinulot ng bagyong Yolanda sa Tacloban City at iba pang karatig na lugar sa Visaya noong 2013.

Nakapaloob man dito ang mga imahen ng tunay na pangyayari sa unos at sigwa na dulot ng daluyong,  mas binigyan din ng pansin ni Joanna ang epekto ng delubyo sa trauma ng mga residente.

Dagdag pa rito, inihalayhay niya ang iba pang imahen tulad ng pagtikim ng kanyang lola sa cake na may asosasyon sa emosyon at memorya ng matanda habang humahampas at dumudurog ang malakas na hangin at ulan sa mga bagay na dinidilaan ng unos.

“Stream of consciousness ang tawag ko ro’n,” pahayag ni Arong naipinanganak sa Cebu City na lumaki at nag-aral ng kolehiyo sa US at sa London.

Ang isa pang pamamaraan ay ang paggamit ni Joanna ng makukulay na drawing ng mga estudyante—mula mataas na paaralan at elementarya sa Tacloban City—para ilahad ang kanilang trauma sa bagsik at hasik na panganib ng bagyo.

Ikinawing-kawing niya ang mga sketch ng mga mag-aaral sa mga eksenang pagdagundong at pagyurak ng sigwa.

Bukod sa proyekto ni Arong, ang siyam pang pelikula ay ang “Excuse Me, Miss, Miss, Miss” ni Sonny Calvento; “Pabasa Kan Pasyon” ni Hubert Tibi; “Living Things” ni Martika Ramirez Escobar; “Fatigued” ni James Robin Mayo; “Ang Gas gas na Plaka ni Lolo Bert (The Broken Vinyl Record)” nina Janina Gacosta and Cheska Marfori; “Tokwifi” ni Carla PulidoOcampo; “Utwas (Arise)” nina Richard Salvadico at Arlie Sweet Sumagasay; “The Slums” ni Jan Andrei Cobey at “Quing Lalam Ning Aldo (Under the Sun)” ni Reeden Fajardo.

Ang Cinemalaya 16 ay aarangkada mula ika-7 hanggang ika-16 ng Agosto, 2020 sa Vimeo, The Filipino Channel (TFC), iWant at iba pang social media outlets.  Boy Villasanta


  •  
  •  
  •  

Loading...