BALIK-TRABAHO NA TAYO

BALIK-TRABAHO NA TAYO

December 7, 2021 @ 7:20 PM 10 months ago


SA gitna ng sadsad nating ekonomiya – napuruhan at inilugmok ng COVID-19 pandemic – sa mga huling linggo ng 2021 ay mayroong nababanaagang pag-asa para sa ating magandang bansa.

Marahil pupuwede nating ikonsidera na sa kalagitnaan ng krisis, ang ating year-end deficit ay nasa P1.7 trilyon, mababa sa P1.9-trilyon taya ng Development Budget Coordinating Committee, isang P200-bilyon liwanag na kasing tingkad ng pagniningning ng Venus ngayong gabi.

Totoong may magandang balita tungkol sa ating ekonomiya bukod sa nakapanlulumong rankings ng Bloomberg sa pagbangon ng Pilipinas mula sa COVID – na para sa akin ay hindi patas at pabor lamang sa Western economies, kung hindi man lantarang kabiguan sa larangan ng pagiging makatuwiran at ng katotohanan.

Ang maibsan ang epekto ng deficit, ayon sa pa­ngunahing ekonomista sa Kongreso na si Albay Rep. Joey Salceda, ang isa sa pinakamatitinding hamon para sa bansa. Pero ang maisakatuparan ito ay nagpapatunay na totoong nakababangon na ang kita ng gob­yerno kasabay ng bahagyang kabawasan sa paggastos – na pawang magagandang senyales.

Sa pagbubukas na muli ng ating ekonomiya at sa pagbuti ng sitwasyon ng COVID-19 dito sa atin – sa kabila ng mga negatibong pahayag ng Bloomberg tungkol sa more-than-imperfect analysis nito sa mga bansa sa Timog Silangang Asya – isang ginintuang oportunidad ang mayroon ngayon para sa mga Pilipino upang isulong ang kapakanan ng bansa habang nagsisipagpursige sa buhay. Hindi ito ang panahon para maging Juan Tamad.

Sinisikap ng mga mambabatas sa Kamara na magkaroon ng isang P90-bilyon programa para magbigay ng subsidiya sa pasahod at pansamantalang trabaho, hindi lamang para mabawasan ang kawalan ng hanapbuhay kundi para igiit ang pagkakaroon nito, himukin ang paggastos ng publiko, at palakasin ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) upang mapasigla pa ang ekonomiya pagpasok pa lang ng 2022.

May pag-asa na mas mabilis na makababalikwas ang ating bansa at isa iyong napakagandang regalo ngayong Pasko. Ngunit isa iyong regalo na kailangang pagsumikapan ng ating masisipag na kamay – bilang pagmamahal sa Diyos at bayan. Balik-trabaho na tayo!

*         *         *

Dahil balik-trabaho na rin lang ang usapan, dapat yatang tutukan na parang lawin ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano ang sarili niyang bakuran. Ang pagbangon ng kanyang siyudad mula sa malamyang ekonomiya at hawaan ng COVID infection ay maaa­ring isabotahe ng mga bisyong walang naidudulot na mabuti sa mga komunidad.

Ang tinutukoy ng Firing Line ay ang peryahan ng isang alyas “Mike” sa panulukan ng Libertad at Harrison Streets sa Barangay 68. Maaaring nakakuha nga ito ng mga kinakailangang permits upang makapag-operate, pero naaalarma ang mga residente sa mga nakikita nilang mga taong walang suot na mask at mga batang pinapayagang dumagsa sa lugar.

Para sa isang matalinong alkalde na tulad ni Mayor Emi, sigurado akong hindi niya gugustuhin na ang peryahan ang pagmulan ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reak­syon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.