Baliwag plebiscite aarangkada ngayong Sabado

Baliwag plebiscite aarangkada ngayong Sabado

December 17, 2022 @ 9:28 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sisimulan na ang pagdaraos ng plebisito para sa pagiging lungsod ng bayan ng Baliwag sa lalawigan ng Bulacan ngayong Sabado.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, ang nasabing bayan ay mayroong 108,572 registered voters mula sa 27 barangays.

May kabuuang 200 clustered precincts sa 26 voting centers kung saan magsisimula ang botohan alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Sa opisyal na balota, ang botante ay sasagot ng “Yes” o “No” kung sila ay pabor o hindi na gawing component city ng Bulacan ang Baliwag mula sa isang munisipalidad.

Sa pagsasara ng oras ng pagboto, sinabi ng poll body na magsisimula kaagad ang pagbibilang ng mga boto.

Inaasahan naman na ang canvassing ng boto at proklamasyon ng resulta ng Plebiscite Board of Canvassers ay sisimulan alas-6 ng gabi.

Itinakda ang plebisito pagkatapos ng pagtibayin ng Republic Act 11929, kung saan gagawing component city ang munisipalidad ng Baliwag sa lalawigan ng Bulacan.

Kapag naratipikahan na, ang Baliwag ay magiging ikaapat na bahagi ng lungsod ng Bulacan– pagkatapos ng Meycauayan, San Jose del Monte at ang kabisera ng probinsiya na Malolos.

Samantala, umaasa naman si Comelec Chairman George Garcia at commissioner-in-charge for the plebiscite Aimee Ferolino na mataas ang magiging turnout ng plebisito.

Ayon kay Garcia, halos 87 percent ang bumoto sa plebisito sa Maguindanao habang halos 56 percent naman sa Batangas.

Hindi man aniya mahigitan ng Baliwag ang Maguindanao turnout pero umaasa na mataas ang resulta upang makita kung ano talaga ang boses ng mga mamamayan

Ayon sa Comelec, lahat ng gastos para sa plebisito ay sagot ng local government unit. Jocelyn Tabangcura-Domenden