Ballot printing sa Baliuag plebiscite, nakumpleto na

Ballot printing sa Baliuag plebiscite, nakumpleto na

December 2, 2022 @ 4:41 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakumpleto na ngayong Biyernes, Disyembre 2 ang pag-imprenta ng mga balota at iba pang forms para sa plebisitong gaganapin sa Baliuag, Bulacan.

Ang naturang plebisito ay naglalayong gawing isang component city ang nasabing bayan.

Sa pakikipagtulungan ng National Printing Office, nakagawa na ng 108,572 official ballots kaninang umaga ayon kay Comelec spokesperson Rex Laudiangco.

Ayon pa kay Laudiangco, susunod naman na gagawin pagkatapos maimprenta ang mga balota ay ang sheeting at cutting bago ito isailalim sa verification for quality at quantity.

Gaganapin ang prebisito sa 27 barangay sa Baliauag, Bulacan sa Disyembre 17 kung saan mayroon din na 26 voting centers para rito.

Sa packing at shipping ng mga balota para sa nasabing botohan, sinabi ni Laudiangco na magbibigay ito ng mga dagdag pang impormasyon hinggil dito. Jocelyn Tabangcura-Domenden