Balotang walang pangalan ni Robredo, sinadyang i-edit – Comelec

Balotang walang pangalan ni Robredo, sinadyang i-edit – Comelec

April 26, 2022 @ 7:12 AM 9 months ago


MANILA, Philippines – Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes na “sinadyang inedit” ang larawan ng isang balota sa ibang bansa na walang pangalan ng kandidato sa pagkapangulo at Bise Presidente Leni Robredo.

“The Office for Overseas Voting (OFOV) confirms that the photo showing an official ballot received by an overseas voter in New Zealand has been deliberately edited to make it appear that VP Robredo’s name is missing from the list of Presidential candidates,” ayon sa Comelec.

Sinabi ng poll body na ang OFOV ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs at Philippine Embassy sa New Zealand para matukoy ang mga taong responsable sa pag-edit ng larawan at para sa pagkalat ng nasabing larawan sa social media.

Noong Linggo, nauna nang tinukoy ni Comelec Commissioner George Garcia ang viral na larawan bilang “fake news.”

Ipinaliwanag ni Garcia na ang New Zealand ay gumagamit lamang ng isang template para sa mga balota para sa halalan sa 2022 at ito ay serialized, kaya ang mga naturang claim ay maaaring ituring na “pekeng balita.”

“Fake news kahit saan. Dami na namin referral sa NBI. One template lang sa New Zealand and serialized so kung may walang candidate, ‘di lang isa ang lalabas. [There are] at least 1,000 ballots for a batch of ballot ID no,” paliwanag ng commissioner.

Nauna nang itinatag ng Comelec ang Task Force Kontra Fake News upang labanan ang disinformation at kontrahin ang anumang pagtatangka na pahinain ang kredibilidad ng proseso ng elektoral.

Si Garcia mismo ang tagapangulo ng task force na ito.

Ang pagboto sa ibang bansa para sa 2022 na botohan ay nagsimula noong Abril 10 at magtatapos sa Mayo 9, o araw ng halalan sa Pilipinas. RNT