BALWARTE NI LENI BINASAG NI BBM

BALWARTE NI LENI BINASAG NI BBM

March 9, 2022 @ 1:46 PM 4 months ago


NAKATITINDIG-balahibo ang ipinakitang suporta ng mga Bikolano kay dating Senador at Presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. makaraang mangampanya ito sa Albay, Masbate at Sorsogon kamakailan.

Dinumog ng mga taga-Legaspi City ang grupo ni Bongbong matapos pasinayaan rito ang regional headquarters ng Partido Federal ng Pilipinas kung saan makaraan ang ilang sandali ay agarang tumungo sa Sorsogon City at nagsagawa ng caravan.

Hindi man hayagang inindorso ng gobernador at kandidatong senador na si Chiz Escudero, inamin nito sa halos 22,000 umanong taga-suporta ng batang Marcos sa harap ng Kapitolyo na sakaling ganito pa rin kataas ang popularity rating ni Bongbong hanggang Abril, tapos na ang sultada sa pagka-Pangulo.

Sabi nga ng ilang beteranong mamamahayag na nag-cover ng pangangampanya ng Uniteam doon, ngayon lang nila nasaksihan ang napakaraming Sorsoganons na nagpakita ng pagkakaisa sa kandidato sa pagka-Pangulo, hindi alintana ang sobrang init, pagod at gutom ng araw na ‘yun.

Isipin niyo naman na mainit na tinanggap si Bongbong ng kanyang mga taga-suporta sa lugar kung saan ipinanganak ang ama ni VP Leni na si dating Judge Antonio Gerona na tubong Bulan, Sorsogon. At mas lalong mag-iisip ngayon ang mga tsuwariwap ng kalaban nito bunsod sa naganap na caravan at proclamation rally ng anak ng Ilocandia sa Masbate City ng libo-libong maka BBM mula sa kasulok-sulukan ng lalawigan.

Magkatunggali man sa lokal na pulitika subalit nagkakaisang ipinakita nina PFP Provincial Chairman Balud Mayor RJ Lim, pamilya ng Lanete at Gov. Antonio Kho na bitbit ang 17 na mayor, ang solidong suporta nito kay Bongbong.

Ibig sabihin, inaasahan nang mananalo si Bongbong sa Masbate dahil halos 500 barangay na hawak ng mga llkaldeng ito ang kumbinsido ngayong marapat mailuklok siya sa Malakanyang bunsod sa ito na ang magtutuldok sa kaliwa’t kanang problemang kinakaharap ng lalawigan kabilang na ang kahirapan, brownout at insurhensya.

Unawa ng mga Bikolanong mananalo pa rin sa kanyang balwarte si VP Leni subalit hindi siguradong kaya pa nitong humakot ng malaking boto dahil ang malalaking politiko ng Camarines Norte, Masbate at Sorsogon na hayagang sumusuporta kay Bongbong ang babasag sa boto ng dilawan.

Hindi pa kabilang sa kwenta ang supporters ni BBM mula sa Albay, Camarines Sur at Catanduanes.