Bambanti Festival ng Isabela, kasado na!

Bambanti Festival ng Isabela, kasado na!

January 23, 2023 @ 7:43 PM 1 week ago


ISABELA – Matapos ang dalawang taon na sinubok ng pandemya ay muling sumigla at patuloy na yumayabong ang itinuturing na ‘Mother of all Festival’ sa lalawigan ng Isabela na tinaguriang ‘Sentro ng Agrikultura’ ang selebrasyon ng Bambanti Festival 2023.

Kasunod nito ay handang-handa na ang activity calendar para sa pinakahihintay na Bambanti Festival 2023 na magsisimula ang mga aktibidad mula Enero 23-29, 2023.

Ilan sa highlights na mga aktibidad sa unang araw ng pista ay ang pagbubukas ng Bambanti Village Agri-Ecotourism exhibit and sale maging ang presentation of Queen Isabela candidates.

Sa ikalawang araw ng pista ay magkakaroon ng PESO job fair kung saan nasa 30 na employers para sa mga naghahanap ng trabaho at sa hapon ay magkakaroon ng Music Festival.

Gaganapin ang coronation night ng Miss Queen Isabela sa Miyerkules, Enero 25 at Grand Fireworks display sa Queen Isabela Park.

Kabilang din ang pagandahan ng mga booth na naglalaman ng kani-kanilang ipinagmamalaking produkto na nagpapahiwatig ng kultura ng mga Isabelino.

Masasaksihan din ang maituturing nilang One Town One Product o produkto na kanilang ipinagmamalaki na dinagsa ng mga lokal na turista sa trade fairs at exhibit.

Matitikman naman ang ibat-ibang local delicacies na ipinagmamalaki ng probinsya sa, “Makan ken Mainum” hatid ng 34 munisipalidad, 2 component city at 1 independent City ng lalawigan sa Enero 26.

Sa Enero 27, gaganapin ang Street Dance Parade Competition and Festival Dance Showdown Competition na ipinakikita ang magagandang katangian ng mga Isabelino sa pamamagitan ng street dancing, lalo na ang pagiging matiyaga, matiisin at higit sa lahat ay ang kasipagan.

Sa huling araw ng pista ay magkakaroon naman ng Isabela Grand concert at Isabela Grand Fireworks Display.

Asahan ang mga iba’t-ibang celebrity guests katulad ni KZ Tandingan at iba pang banda kabilang ang mga panauhing pandangal na opisyal ng pamahalaan.

Ang selebrasyon ngayong taon ay may temang ‘Isabela: Pagharap sa Bagong Hamon ng Kinabukasan.’

Ayon kay Vice Gov. Faustino “Bojie” Dy III, Director General, ang taunang selebrasyon ng Bambanti Festival ay nagsisilbing pasasalamat sa mga manggagawa sa kanilang progresibong agrikultura, sa pagkakaroon ng masaganang ani kaya ngayon ay tinagurian sila bilang Agricultural Capital of the Philippines.

Ang “Bambanti” ay salitang Ilocano na ang kahulugan ay Scarecrow.

Samantala, ang Bambanti Festival ay ginawaran ng Department of Tourism o DOT bilang champion of Best Tourism Festival as Thanksgiving for a Bountiful Harvest noong Oktubre 27, 2022.

Kaugnay nito, hindi lang ito ang unang pagkakataon na ginawaran ng parangal ang Bambanti Festival. Rey Velasco