Ban sa K-Drama pinag-iisipan ni Jinggoy

Ban sa K-Drama pinag-iisipan ni Jinggoy

October 19, 2022 @ 8:18 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ikinukunsidera ni Senador Jinggoy Estrada ang ban o pagbabawal sa mga Korean drama na ipalabas sa bansa.

“Ang aking obserbasyon pagpatuloy tayo nagpapalabas ng Korean telenovela, ang hinahangaan ng ating mga kababayan ay itong mga Koreano at nawawalan ng trabaho at kita yung ating mga artistang Pilipino,” ani Estrada kasabay ng pagdinig ng proposed 2023 budget ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).

Dapat umanong matutukan ang mga pelikulang Pinoy kaysa sa mga gawa ng banyaga.

“Kaya minsan pumapasok sa aking isipan na i-ban na itong mga telenovela ng mga foreigners at dapat ang mga artista nating Pilipino talagang may angking galing sa pag-arte ay ‘yun naman dapat ang ipalabas natin sa sariling bansa natin,” aniya.

“Kung ang pino-promote natin ay mga produkto ng Koreano, kaya nagkakaroon tayo ng halos maraming produktong Korean dito sa atin imbis na i-promote natin yung sarili natin ang napro-promote natin yung mga banyaga,” dagdag ni Estrada.

Sa kaparehong pagdinig, isinulong naman ni Senador Robinhood Padilla ang pagtataas ng tax sa foreign series upang matulungan ang lokal na industriya ng pelikula.

“Maari po bang taasan natin itong tax ng mga foreign series na pumapasok sa atin para kahit papaano po yung subsidiya nito bigay natin sa mga workers sa industriya natin, sa local, kung papaano po ginawa natin diyan sa rice tariffication, gawin nating foreign teleserye tariffication dahil marami pong nawawalan ng trabaho dito,” suhestyon ng Senador.

Sinang-ayunan ito ni FDCP Chairman Tirso Cruz III na dapat ay balansehin ang pagpapakilala ng lokal na pelikula.

Sa katunayan, isa umano sa programa ng ahensya ang pagtutok sa creation at promotion ng local films.

“Ang isa pong pangunahing programa namin ay talagang mag-focus sa paggawa ng mga local films muna dahil sabi namin ang unang-una importante ay ang maniwala ang kapwa Pilipino sa pelikulang Pilipino,” sinabi ni Cruz.

“Kaya ang ginagawa naming focus ay sa local films dahil kung kami man po ay pupunta sa film festival ay gusto naming dala yung sariling atin na ilalaban natin sa competition na ipakikita natin sa mga festival na ang mga Pilipino ay mas matindi gumawa ng pelikula at madamdamin at mas maganda,” dagdag niya. RNT/JGC