Ban sa Kdrama labag sa freedom of choice – Rep. Gomez

Ban sa Kdrama labag sa freedom of choice – Rep. Gomez

October 20, 2022 @ 2:09 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hindi sang-ayon si Leyte Rep. Richard Gomez na magkaroon ng total ban sa hit Korean drama (Kdrama) sa bansa dahil magiging pagsikil ito sa “freedom of choice” ng mga Pinoy.

Sa halip na i-ban ang kdrama, iminungkahi ni Gomez na maaaring bigyan ng mas maaming airtime ang mga locally-produced telenovelas.

Ayon kay Gomez, kanyang isusulong sa Kamara na maprayoridad ang inihain nyang panukala na nagbibigay ng insentibo sa mga local artists at producers ng mga local movies at drama para mahikayat itong gumawa ng kalidad na shows.

“Para sa akin, limit na lang siguro ang pagpapalabas ng mga foreign shows to give more time to local shows. Mahirap kasing mag ban, mawawala ang freedom of choice ng mga tao,” paliwanag ni Gomez.

Aniya, mahirap din na kontrolin ang pagpapalabas ng mga foreign dramas, lalo na ang korean drama na kinagigiliwan ng mga Pinoy na maraming nakasubscribe sa Netflix at iba pang streaming platforms.

“Mahirap talagang i-control. On the other hand, it is about time for the Filipino teledramas na taasan ang quality ng kanilang product para they can compete internationally,” dagdag pa ni Gomez sa isang panayam sa selebrasyon ng ika 75 anibersaryo ng Ormoc City.

Giniit ni Gomez, na isang magaling na aktor bago pa pumasok sa pulitika na maraming local artists ang competitive at hindi rin matatawaran ang talents dahil nakilala din ang galing sa mga international awards na maaaring itapat ng bansa sa mga international artist.

“Hindi naman kulang sa acting style, magagaling ang mga artistang Filipino. The talent is there, tingin ko wala tayong kulang sa talent, very talented ang mga Pinoy, nagiging Congressman pa nga,” biro pa ng solon.

Sinabi ni Gomez na ang nagiging kakulangan sa tingin nya ay production value na syang dapat na mas tutukan.

“Ang production value ang important at this time, mahirap mag compete sa magandang production value, maganda yung story pero pag kulang sa quality hindi din competitive,” paliwanag pa nito.

Matatandaan na una nang binatikos si Sen Jinggoy Estrada ng mga kdrama fanatic nang sabihin nitong dapat i-ban ang kdrama upang palakasin ang Philippine movie and television industry. Gail Mendoza