Ban sa pampano, salmon paiimbestigahan ng Ombudsman

Ban sa pampano, salmon paiimbestigahan ng Ombudsman

November 28, 2022 @ 6:38 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Paiimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang ipinatupad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kamakailan na ban sa pagbebenta sa mga palengke ng imported na isda tulad ng pampano at salmon na walang sertipikasyon.

Matatandaan na inanunsyo ng BFAR noong nakaraang linggo na simula Disyembre 4 ay ipagbabawal na ang pagbebenta ng pink salmon at imported na pampano sa mga palengke batay sa Fisheries Administrative Order No. 195.

Kaugnay nito, nais malaman ng Ombusdman kung bakit ngayon pa lamang ipinatutupad ang utos gayong 1999 pa lamang ay nilagdaan na ang naturang kautusan.

Sinabi naman ni Nazario Briguera, pinuno ng information and fisherfolk coordination unit ng BFAR na makikipag-ugnayan na sila sa Ombusdman kaugnay ng imbestigasyon.

Ani Briguera, matagal na nilang ipinatutupad ang utos at mas maghihigpit lamang sila ngayon dahil sa dumaraming reklamo ng mga lokal na mangingisda tungkol sa mga imported na isda.

“Masyado na saturated ang market ng imported. Kailangan i-regulate ang mga ganito. Nakakasama sa kabuhayan ng mangingisda,” sinabi ni Briguera.

Samantala, ayon kay Westly Rosario, chairman for fisheries sa Professional Regulation Commission, makakabili pa rin naman ng pampano kung bibigyang-pansin ng pamahalaan ang local aquaculture at ang pagpaparami ng lokal na pampano sa ilang bayan sa Pangasinan. RNT/JGC