Ban sa pampano, salmon sa mga palengke ‘di muna tuloy

Ban sa pampano, salmon sa mga palengke ‘di muna tuloy

December 3, 2022 @ 8:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi muna itutuloy ang planong pagbabawal o ban sa pagbebenta ng mga salmon at imported na pampano sa mga palengke at supermarket.

Ito ang sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources matapos ng moratorium sa bagong istratehiya na ipatutupad sa Fisheries Administrative Order (FAO) 195.

“The Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources is declaring a moratorium in its operations in wet markets with regard to the presence of diverted imported pink salmon, pampano, and other fish products effective immediately,” ayon sa BFAR.

Dagdag pa, tugon din nila ito sa hinaing ng mga tindero at tindera maging ng iba pang stakeholders na nagsasabing “anti-poor” ang naturang plano.

Dahil dito ay mas maghihigpit na lamang sila sa mga cold storage at pantalan upang maiwasan na makapasok ang mga imported na isda nang walang kaukulang dokumento.

“We will go back, we will revert to the original strategy we’re doing, which is concentrating on ports, storages but not on the wet markets,” sinabi ni BFAR officer-in-charge Demosthenes Escoto.

Giit ng BFAR, ang plano sana nilang paghihigpit sa pagbebenta ng mga salmon at pampano ay dahil sa sobra-sobrang pagkalat ng mga ito sa palengke.

Ayon sa pagtaya, umaabot sa 25% hanggang 30% na mga isdang itinitinda sa mga pamilihan ay imported na.

“Ito ang merkado na pupuntahan ng isda na hinuhuli ng ating mangingisda, minsan nakaka-experience kami sa BFAR, na ‘yung tilapia natin, hindi na mabenta, napakalaking market niyan,” pahayag ni Escoto.

Kasunod nito ay nangako naman ang BFAR na magsasagawa ng pagbusisi sa polisiya nila tungkol sa fish importation at inaasahang maglalabas ng bagong regulasyon dito pagsapit ng 2023. RNT/JGC