Bangkay ng 4 obrero na natabunan ng lupa sa Abra, nahukay na

Bangkay ng 4 obrero na natabunan ng lupa sa Abra, nahukay na

July 31, 2022 @ 11:07 AM 2 weeks ago


ABRA- Nahukay ang bangkay ng apat na construction worker kabilang dalawang binatilyo at naiuwi na sa kani-kanilang pamilya matapos matabunan ng gumuhong lupa sa naganap na lindol nitong Miyerkules sa bayan ng Luba.

Kinilala ang mga biktimang sina Angelo Agameng, 15-anyos; Jack Balais, 17-anyos, Louie Balais, 21-anyos, at foreman na si Mar Barreyro, 38-anyos, pawang mga taga Manabo, Abra.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nahukay ng katawan ng apat sa pagtutulungan ng mga rescuers at ibat’-ibang ahensya ng pamahalaan sa isinagawang search and retrieval operation nitong Biyernes sa Kayaddakad, Poblacion, Luba, Abra.

Sa paunang report ng Luba Municipal Police Station, galing ang mga biktima sa Manabo, Abra at patungo sa bayan ng Luba sakay ang ‘kalalaw’ o tricycle nang matabunan ng gumuhong lupa dahil sa malakas na lindol.

Nabatid, na ipagpapatuloy sana ng mga biktima ang ginagawa nilang covered court sa naturang bayan.

Magugunitang nakapagtala ang mga awtoridad ng 6 na patay 60 sugatan sa naganap na magnitude 7 na lindol sa Cordillera Administrative Region (CAR.)/Mary Anne Sapico