Bangkay ng Bilibid inmates ililibing na ng BuCor

Bangkay ng Bilibid inmates ililibing na ng BuCor

November 21, 2022 @ 4:15 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinaplano na ng Bureau of Corrections (BuCor) na ilibing ang labi ng mga nasawing inmates sa New Bilibid Prison.

Ito ang sinabi ni BuCor chief Gregorio Catapang nitong Lunes, Nobyembre 21 kung saan personal na iimbitahan ng ahensya ang pamilya ng mga presong nasawi na dumalo sa libing ng mga ito.

“I intend to bury some of them this Friday and I’m inviting the relatives,” tugon ni Catapang sa panayam ng ANC.

“I, too, want them to be buried. To give prayers or honor to them,” dagdag niya.

Kasunod ito ng panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na bigyan ng disenteng libing ang mga nasawing Bilibid inmates.

“Kasi ‘yung katawan ay pinaglagakan ng kaluluwa na bigay ng Diyos sa atin. At siyempre, nu’ng nilikha tayo ng Diyos, nando’n ‘yung dignity of the human person. Kaya kumbaga, ‘yung paggalang sa buhay ng tao at paggalang din do’n sa kanyang katawan eh dapat nando’n,” matatandaan na sinabi ni CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care Executive Secretary Fr. Nezelle Lirio.

Sa kasalukuyan ay nakapaglibing na ng 10 bangkay ang BuCor sa bisinidad ng Bilibid samantala marami-rami pa rin ang nananatili sa punerarya sa Muntinlupa City.

Nauna nang sinabi ng Department of Justice na ang mga bangkay na hindi nakuha ng kani-kanilang pamilya, at hindi naman isasailalim sa autopsy, ay ililibing na.

Samantala, ang mga katawan naman na isasailalim sa autopsy ay hihintayin munang makatapos sa examination.

Matatandaan na dahil sa imbestigasyon sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid ay nadiskubre ang tambak na mga bangkay sa Eastern Funeral Services na accredited funeral home ng Bilibid. RNT/JGC