Bangkay ng binatang walang damit, may saklob sa mukha, natagpuan sa Bulacan

Bangkay ng binatang walang damit, may saklob sa mukha, natagpuan sa Bulacan

October 3, 2022 @ 4:03 PM 2 months ago


Bulacan – Isang bangkay ng lalaking walang damit pang-itaas na may saklob ang ulo ang natagpuan sa bakanteng lote ng Bypass Road sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Russel Tarriela, 23, binata at kasalukuyang residente ng Melody Plains Subdivision, Brgy. Muzon.

Sa report ni SJDM Acting chief of police Plt. Col. Ronaldo Lumactod Jr, isang impormasyon ang kanilang natanggap na may isang concerned citizen ang may nakitang bangkay ng lalaki bandang alas – 6:00 ng umaga nitong Okubre 2 sa Bypass Road, Brgy. Muzon.

Dahil dito, agad rumesponde ang mga pulis sa lugar hanggang sa tumambad sa kanila ang nakabulagtang lalaki na nakasuot ng itim na short, walang damit pang-itaas at may saklob na kulay dilaw na t-shirt sa mukha.

Kalaunan ay positibong kinilala naman ng isang nagngangalang Luisa na ang natagpuang bangkay ay kanyang anak na si Russel.

Base sa imbestigasyon at sa mga screenshots ng conversation ng biktima sa kanyang messenger account ay nalamang nagtungo ito sa Phase 9, Caloocan City.

Sinasabing ang bangkay, ayon na rin sa mga awtoridad ay mahigit 11 oras ng patay nang itapon sa lugar para iligaw ang imbestigasyon.

Patuloy ang imbestigasyon at pangangalap ng saksi ng pulisya sa naturang krimen. Dick Mirasol III