Bangkay ng binatilyo, natagpuang lumulutang sa Ilog Pasig

Bangkay ng binatilyo, natagpuang lumulutang sa Ilog Pasig

June 23, 2018 @ 4:00 PM 4 years ago


Manila – Malaki ang hinalang nadulas ang isang hindi pa nakikilalang binatilyo, nang matagpuang patay na lulutang-lutang sa ilog Pasig sa Parola Compoud, sakop ng Binondo kaninang umaga.

Inilarawan sa edad 15 hanggang 17 ang biktima; nasa 5’2 hanggang 5’4 ang taas; maitim ang kulay ng balat; nakasuot ng itim na jogging pants na may nakalagay na “supreme” sa kanang tagiliran at nakayapak.

Batay sa report ni Det. Jonathan Bautista, may hawak ng kaso bandang alas-10:30 ng umaga, nang makitang lulutang-lutang ang bangkay ng biktima sa harap ng DPWH Barge storage sa Binondo.

Nabatid sa ulat ng pulisya, habang umano’y naglalayag ang isang Cargo Vessel Princess Christine sa nasabing lugar, namataan ng isang Larry Formador, chief mates ng cargo vessel ang lumulutang na bangkay.

Agad umano niya itong iniradyo sa Coast Guard na nakabase sa Delpan Station na agad naman umanong nirespondehan ni PO2 Julius Romeo at inimbestigahan ni PO3 Rolando Jabinar ng Delpan Coast Guard investigator, saka dinala sa PCG Headquarters, at ini-report sa tanggapan ni P/Sr.Insp. Rommel Anicete.

Sa imbestigasyon, malaki ang hinalang nadulas ang biktima at napadpad lamang ito kung saan ito natagpuan.

Dahil dito, pansamantalang inilagak ang bangkay sa Archangel Funeral Morgue, para sa kaukulang awtopsiya at sa pagkakakilanlan dito. (Rene Crisostomo)