Bangkay ng Cessna plane victims sa Mayon, naibaba na

Bangkay ng Cessna plane victims sa Mayon, naibaba na

February 26, 2023 @ 8:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakuha na ng emergency responders ang bangkay ng apat na biktima sa nangyaring Cessna plane crash malapit mismo sa bunganga ng Bulkang Mayon.

Sa Facebook post, sinabi ni Camalig Mayor Carlos Irwin Baldo Jr., incident commander, na ang team ay “currently on their way to the base camp” na matatagpuan sa Barangay Anoling, malapit sa paanan ng bulkan.

Sa kabila nito, hindi naman tinukoy ni Baldo kung saang base camp sa lugar pupunta ang retrieval team.

Itinalaga ang 23-man team sa crash site patungo sa bahagi ng bulkan, 6,000 feet o 1,800 metro mula sa paanan nito, gamit ang mga anchor bolts at lubid upang maibaba ang mga cadaver bags sa kabila ng matarik na mga dalisdis nito.

Noong Pebrero 22, natagpuan ng experienced mountaineers at government responders ang bangkay nina Capt. Rufino James Crisostomo Jr., on-board pilot; mekaniko nito na si Joel Martin; at dalawang pasaherong Australyano na sina Simon Chipperfield at Karthi Santhanam, sa layong 350 metro malapit sa bunganga ng bulkan.

Matatandaan na napaulat na nawawala ang Cessna RPC340 na patungo sanang Metro Manila ilang minuto makaraang lumipad ito mula sa Bicol International Airport sa Daraga, Albay alas-6:43 ng umaga noong Pebrero 18. RNT/JGC