Bangkay ng ex-convict nahukay sa bakanteng lote

Bangkay ng ex-convict nahukay sa bakanteng lote

August 2, 2022 @ 10:35 AM 6 days ago


BACOLOD CITY- Nakasusulasok na amoy ang umalingasaw sa isang bakanteng lote matapos mahukay ang bangkay ng isang ex-convict nitong Linggo sa nasabing lungsod.

Kinilala ang biktimang si Alex Soberano, 51 anyos, taga Purok United Roadside Barangay Tangub ng nasabing lungsod.

Batay sa report ng Station 7 Bacolod City-PNP, nahukay ang bangkay ng biktima sa bakanteng lote sa Purok Katilingban Barangay Vista Alegre.

Kwento ng isang magsasaka na si Jessie Sibonga, kukunin na niya sana ang kanyang kalabaw na nakatali sa gitna ng bakanteng lote ng maamoy niya ang bulok na hayop.

Agad siyang humingi ng tulong sa pulisya at nadiskubre na nakalibing ang katawan ng biktima sa nasabing lugar.

Ayon kay Captain Elmer Bonilla, Station 7 commander, bago ang insidente nagtungo ang pamilya ni Soberano sa Bacolod-Silay Airport para sana sunduin ito na galing Maynila.

Sa pahayag ng isa sa mga anak ng biktima, nakita niya ang ama (biktima) na kinuha ng armadong grupo at isinakay sa isang sasakyan hanggang sa hindi na nila ito na-kontak pa.

Positibong kinilala ang biktima ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng HGL na tattoo nito sa kanang kamay.

Sinabi ng pulisya, na naaresto ang suspek noong 2012 sa isang buy bust operation sa Barangay 27, Bacolod at nakulong ito 3-taon sa Bureau of Jail Management and Penology Bacolod City bago inilipat sa New Bilibid Prison, Muntinlupa City.

Sinabi pa ng kaanak na 8-buwan pa lamang nakalabas ng kulungan ang biktima at pansamantala siyan nanirahan sa kaanak sa Maynila at nagpasyang umuwi ng Bacolod nitong Hulyo 24, subalit hindi na ito nakarating ng buhay sa kanilang bahay.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek. Mary Anne Sapico