Bangkay ng lalaki natagpuang palutang-lutang sa ilog

Bangkay ng lalaki natagpuang palutang-lutang sa ilog

April 17, 2022 @ 4:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Isang 29-anyos na lalaki ang natagpuang bangkay at palutang-lutang sa ilog matapos na diumano’y malunod ito sa bayan ng Carranglan, Nueva Ecija nitong Sabado.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktima na si Robert Bartolome y Paypa, binata at residente ng Obando, Bulacan.

Ayon sa report, ganap na alas-8:40 ng gabi nang makatanggap ng isang tawag sa telepono buhat sa isang nagngangalan na Nestor Balandang mula sa Barangay Puncan nang nasabing lugar ang tanggapan ng Carranglan police station at naipagbigay alam dito ang nasabing pangyayari.

Kaagad naman na rumesponde ang grupo ng kapulisan at batay umano sa imbestigasyon, na ayon sa salaysay ni Balandang, kaibigan ng biktima, bago umano mangyari ang nabanggit na pangyayari ay masaya umano silang nagpi-picnic (family bonding) kasama ang biktima.

Nang makainom na ng alak o ng malasing na ang biktima ay nagtungo umano ito sa ilog upang maligo. Subalit, ilang minuto pa lamang ang nakararaan ay hindi na nila nakita ang biktima at sa pag-aakalang ito ay nauna ng umuwi sa kanilang bahay ay nagpasya silang umuwi na rin.

At, sa kanilang pag-uwi ay hindi nila nadatnan ang biktima at doon ay nag umpisa na silang mag-panic at nagpasyang bumalik sa nasabing ilog subalit hindi nila natagpuan ang biktima.

Ganap na alas-8 ng gabi nang matagpuan ng isang mangingisda ang palutang-lutang na bangkay ng biktima na kaagad na ipinagbigay alam sa mga tanod ng nasabing barangay.

Ang bangkay ng biktima ay nakalagak sa Mauel Funeral Parlor, Carranglan, Nueva Ecija. Elsa Navallo