Bangkay ng lolong taga-Valenzuela lumutang sa ilog ng Obando

Bangkay ng lolong taga-Valenzuela lumutang sa ilog ng Obando

October 27, 2022 @ 4:16 PM 1 month ago


Bulacan – Isang bangkay ng 64-anyos na lalaking nalunod umano ang natagpuan ng mga awtoridad na palutang-lutang sa ilog sa bayan ng Obando.

Kinilala ang bangkay na si Augusto Pecoro, may-asawa, pedicab driver at kasalukuyang residente ng Bilog Balangkas, Valenzuela City.

Sa report ng Obando police, natagpuan ang bangkay nitong Oktubre 27 sa ilog sakop ng Brgy. Tawiran ng naturang bayan.

Ayon sa report ng pulisya, isang tawag mula sa miyembro ng MENRO ang kanilang natanggap na may natagpuang bangkay sa lugar.

Dahil dito, agad na rumesponde sa lugar ang mga awtoridad hanggang sa tumambad sa kanila ang palutang-lutang na bangkay ng lalaki.

Sa kasagsagan ng imbestigasyon, dumating sa lugar ang nagngangalang Noel, 33 na positibong kinilala ang bangkay na kanyang ama.

Aniya, ang kanyang ama ay nawawala simula pa kahapon hanggang matagpuang palutang-lutang sa ilog matapos umanong malunod.

Sinasabing walang bakas ng sugat nang matagpuan ng mga awtoridad ang banagkay na kasalukuyang nakalagak sa punerarya para sa posibleng autopsy kung kinakailangan. Dick Mirasol III