Bangkay ng ‘middleman’ sa Percy Lapid case, isasailalim sa ikalawang autopsy

Bangkay ng ‘middleman’ sa Percy Lapid case, isasailalim sa ikalawang autopsy

October 25, 2022 @ 3:42 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Magsasagawa ang top forensic pathologist na si Raquel Fortun ng panibagong autopsy sa bangkay ng isa sa mga itinuturong middlemen sa likod ng pagpatay kay radio broadcaster Percy Lapid.

Kinumpirma ni Fortun nitong Martes na ang mga labi ni Jun Villamor, preso sa New Bilibid Prison (NBP), ay nasa University of the Philippines (UP) Manila na.

Base kay Dr. Jonas Del Rosario, pinuno ng UP-Philippine General Hospital, isasagawa ang autopsy sa morgue ng UP Manila College of Medicine.

Sa panayam nitong Martes, inilahad ni Roy Mabasa, kapatid ng pinaslang na mamamahayag, na nakausap niya si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at hiniling na payagan ang pamilya ni Villamor na maiuwi ang kanyang bangkay sa Leyte.

“Subalit mayroon po akong hiningi na kailangang idaan namin sa second autopsy ang bangkay ng kapatid nila para may second opinion,” paglalahad ni Mabasa. “Ang magsasagawa po ay si Dr. Raquel Fortun, ngayon pong araw na ito.”

Inihayag ng Bureau of Corrections na dinala si Villamor sa prison hospital “due to loss of consciousness” noong Oktubre 18 at ilang sandali lamang ay idineklarang patay. Ito ang parehong araw na inanunsyo ng mga awtoridad ang pagsuko ng self-confessed gunman sa Lapid case.

Ikinasa ng National Bureau of Investigation ang unang autopsy kung saan nakita na walang senyales ng external physical injury sa katawan ni Villamor. Iniulat din nila na ang 42-anyos ay may hemorrhage sa kanyang puso.

Nauna nang inihayag ni Philippine National Police chief Rodolfo Azurin Jr. na ang timing ng pagpanaw ni Villamor ay “questionable,” at sinabing hindi dapat isantabi ang foul play. RNT/SA