Bangkay ni Ranara, isinailalim na sa autopsy

Bangkay ni Ranara, isinailalim na sa autopsy

January 29, 2023 @ 8:13 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Isinailalim na sa autopsy ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bangkay ng napatay na overseas Filipino workers sa Kuwait na si Jullebee Ranara.

Si Ranara ay natagpuang patay sa isang disyerte sa nasabing bansa na sa ulat ay ginahasa pa, nabuntis, sinagasaan at pinatay ng anak ng amo nito.

Pasado alas-10 ng umaga nitong Sabado, Enero 28 ay dumating ang NBI forensic team sa funeral home kung nasaan ito, sa Bacoor, Cavite para isagawa ang autopsy sa bangkay ni Ranara.

Sinuri ng mga eksperto ang external at internal injuries na tinamo ni Ranara upang matukoy ang kinamatay nito.

Inaasahan naman na makukumpleto ang histopathology at general toxicology sa kinuhang tissue samples sa susunod na dalawang linggo.

Mismong ang pamilya ng biktima ang humiling na isailalim sa autopsy ang labi ni Ranara.

Biyernes ng gabi, Enero 27 ay dumating sa bansa ang bangkay ng pinatay na OFW.

“It was a very tearful reunion. The family opted not to physically see the state of Jullebee upon arrival. Their request was for private time, and this was granted,” ani Migrant Workers Secretary Susan Ople.

Samantala, sumulat na ang ambassador ng Kuwait sa ambassador ng Pilipinas para sa pamilya ng biktima na sinisigurong uusad ang imbestigasyon at maibibigay ang hustisya para rito. RNT/JGC