Manila, Philippines – Ikinatuwa ni Bangsamoro Transition Commission at MILF Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar ang pagapruba sa paglikha ng Bangsamoro Autonomous Regiom in Muslim Mindanao (BARMM).
Aminado si Jaafar na hindi ito perpektong batas ngunit maituturing nang magandang panimula para sa Mindanao.
“Nagpapasalamat kami sa mga mambabatas dahil sa ginawa nilang pagreconcile sa mga probisyon ng BBL,napakahalaga ng pangyayaring ito para sa mga Moro at iba pang residente sa Mindanao,” pahayag ni Jaafar.
Inaprubahan sa Bicameral Conference Committee ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) ngayong linggo.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Farinas ang BBL ay kanilang naaprubahan sa loob ng 6 na araw kung saan gumugugol ang komite ng 13 oras kada araw upang mapaspasan ang deliberasyon.
Sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na ito na ang isa sa pinakamatagal na bicam na kanilang ginawa.
Sa oras na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dating Autonomous Region in Muslim Mindanao ay tatawaging Bangsamoro Autonomous Regiom in Muslim Mindanao(BARMM).
Ang Bicam report ay isusumite sa plenaryo sa Lunes para maratipikan sa pagbubukas ng sesyon at inaasahang lalagdaan din ng Pangulo bago ang kanyang State of the Nation Address'(SONA).
Kasama sa BARMM ay pagkakaroon ng fiscal autonomy, land reform, administration of justice system, pangangasiwa sa mga free ports at economic zones, at ang paglikha ng government-owned and controlled corporations.
Napagkasunduan din sa Bicam ang 75/25 na wealth sharing kung saan 75 porsyento ang mapupunta sa Bangsamoro Region samantala ang 25% ay sa national government.
Sinang-ayunan din ng bicam ang may kaugnayan sa pagboto sa plebisito ng mga registered voters ng mga lalawigan ng Lanao del Norte at North Cotabato.
Magkakaroon din ng 5 % automatic block grant na ibibigay sa Bangsamoro Region mula sa National Internal Revenue kada taon.
Pinayagan din ng bicam ang probisyon na may kaugnayan sa kapangyarihan ng Bangsamoro Parliament.
Kabilang sa most contentious issues na pinagdebatehan sa panukala ay ang territorial jurisdiction ng Bangsamoro Region kung saan sa ilalim ng final draft, lahat ng mga lalawigan na kabilang sa ARMM tulad ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi ay mananatiling kabilang dito.
Maari namang madagdag ang Cotabato City, Isabela City, 6 bayan sa Lanao del Norte at 39 barangay sa North Cotabato kapag bumoto ang mga ito sa isang plebesito kung papabor silang mapasama sa Bangsamoro Region.
Ang mga kalapit na lugar naman na nais mapabilang sa Bangsamoro Region ay maaring mapasama kung magpapasa ng resolusyon ang local government nito o kaya naman ay petition ang mga taga rito at aaprubahan ng hindi bababa sa 10 porsyento ng mga registered voters sa lugar. Gail Mendoza