Bangsamoro Electoral Code, kailangan sa ‘moral governance’

Bangsamoro Electoral Code, kailangan sa ‘moral governance’

February 1, 2023 @ 6:25 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Dapat umanong suportahan ang proposed Bangsamoro Electoral Code (BEC) upang mapalakas ang moral governance ng rehiyon.

Ito ang sinabi ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. nitong Martes, Enero 31 kasabay ng public consultation ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Committee on Rules in Marawi City.

Ani Adiong, napaka-importante ng pagkakaroon ng malakas na electoral mechanism upang mapagtibay ang mandato ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang isang governing entity.

“Creating a Bangsamoro Electoral Code not only aligns with the Philippine Constitution and its laws, but also with the principles of moral governance it (BARMM government) adheres,” aniya.

Sinabi rin ni Adiong na nagpasa na ng joint position paper ang pamahalaang panlalawigan upang idetalye ang mga komento nito sa proposed BTA Bill No. 29 na nagsasagawa ng institutionalization ng BEC.

Ipinakita rin ang position paper kasama ng mga komento mula sa
League of Municipalities of the Philippines – Lanao del Sur Chapter.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng 80 miyembro ang Bangsamoro Parliament kung saan kalahati sa mga ito ang party representative.

Sa nasabi ring bilang, 40% ay binubuo ng district representatives habang 10% sa sectoral representatives.

Layon ng BTA bill na bumuo rin ng Bangsamoro Electoral office na magsisilbing central body ng BARMM sa pagbabantay sa lahat ng mga isasagawang eleksyon sa rehiyon. RNT/JGC