BANTA NG MMDA SA MGA PABAYANG CHAIRMEN, TOTOTOHANIN KAYA?

BANTA NG MMDA SA MGA PABAYANG CHAIRMEN, TOTOTOHANIN KAYA?

January 23, 2023 @ 1:39 PM 2 weeks ago


SANA nga ay magkatotoo na ang banta ng Metropolitan Manila Development Authority  na sasampahan nila ng kasong administratibo para maparusahan ang mga Punong Barangay na magpapabaya sa mga lansangang nilinis na nila sa mga sagabal bilang hakbang ng pagluluwag ng daloy ng trapiko.

Muli na naman kasing binuhay ng MMDA sa pangunguna ni Acting Chairman Atty. Don Artes ang pagsasagawa ng clearing operation sa mga tinaguriang Mabuhay Lanes na alternatibong daan para mabawasan ang mga sasakyang tumatahak sa EDSA dahil na rin sa pagbabalik na muli sa lansangan ng mga sasakyan matapos ang dalawang taong pagluluwag bunga ng pandemya.

Sa tingin nga ni Artes, mas marami pa ngayon ang tumatahak sa EDSA kumpara noong hindi pa nagkakaroon ng pandemya dahil lumobo naman talaga ang bilang ng mga sasakyan sa lansangan.

Kaya nang isagawa ang send-off ceremony sa Baclaran, Pasay City, bilang pagpapaigting muli ng paglilinis sa Mabuhay Lanes, tiniyak ni Artes na lahat ng uri ng sagabal ay kanilang tatanggalin nang walang pangingimian para maibalik muli sa motorista ang lansangan at bangketa.

Sa oras na malinis nila ang lansangan, ipauubaya na nila sa mga  barangay chairman na nakakasakop ang pagpapanatili sa malinis at walang sagabal na lansangan para tuloy-tuloy ang daloy ng mga sasakyan. Kapag napatunayang hindi tumalima ang sinomang punong barangay sa naturang direktiba, malamang na mawala na sila sa kapangyarihan dahil kakaharapin nila ang mga nararapat na kasong administratibo.

Ang tanong ng marami, magkatotoo raw kaya ang banta ni Artes?

Baka raw kasi puro pagbabanta lang at propaganda sa publiko pero magiging malayo naman sa katotohanan. Nangyari na rin kasi ang ganitong pagbabanta sa panahon ng dating administrasyon kung saan nagsagawa rin ng puspusang clearing operation ang MMDA, Philippine National Police, Department of Interior and Locan Government at mga lokal na pamahalaan.

Pero ang nangyari, matapos malinis at mai-turn over sa barangay, muli na namang magbumalik sa dati ang nakasasakit.

Sa naganap, super macho pa nga ang dating ni dating undersecretary Martin Dino.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.