Banta ni Padilla kung ‘di itutuloy Cha-cha, ‘magresign na lang ako’

Banta ni Padilla kung ‘di itutuloy Cha-cha, ‘magresign na lang ako’

February 19, 2023 @ 2:18 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mas mabuti pang magbitiw na lamang umano sa pwesto si Senador Robinhood Padilla kung isasantabi lamang ang resolusyon na naglalayong amyendahan ang ilan sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Sa kabila nito, sinabi ni Padilla na hinimok siya ng liderato ng Senado na isagawa ang public hearings sa resolusyon batay sa mga panuntunan.

Matatandaan na nagkasundo ang Senado at House of Representatives na tutukan ang 10 priority bills ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ang Charter Change resolution ni Padilla ay hindi napag-usapan dito.

‘’Kapag sinabi po nating isantabi, magresign na lang po tayo kasi wala na tayong silbi dyan sa Senado,’’ ani Padilla.

‘’Kapag meron tayo panukala at yang panukala ay di narinig sa apat na sulok ng demokrasya ng Senado, magresign na tayo kasi anong gagawin natin dyan magpalaki ng bayag. Ganun na lang,’’ dagdag pa niya.

Iginiit ni Padilla na binoto siya ng mga tao dahil sa adbosiya niya ng mga pagbabago sa Konstitusyon, at ang pag-amyenda dito ay trabaho ng Kongreso.

‘’Di po pwede. Tayo po ay andyan, tayo po ay nangampanya, tayo po ay pinaniwalaan ng taumbayan na ang ating adbokasiya ay patungkol po sa Konstitusyon at yan po ang ating isinusulong na economic reform at katulad din po ng pagpapalit ng porma ng gobyerno,” anang Senador. RNT/JGC