Banta sa pamilya ni Percy Lapid, inilantad ni Hontiveros

Banta sa pamilya ni Percy Lapid, inilantad ni Hontiveros

October 26, 2022 @ 3:27 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ipinakita ni Senador Risa Hontiveros sa mga mamamahayag sa Senado sa pamamagitan ng powerpoint presentation ang mga text messages at tawag ng pagbabanta sa pamilya ng napatay na broadcaster na si Percy Lapid o Percival Mabasa sa tunay na pangalan.

Ang naturang mga ebidensya ng pagbabanta ay ibinigay mismo ng pamilya Mabasa sa kanyang pagtungo sa tahanan nito matapos humingi ng tulong sa Senadora ang pamilya.

Sa naturang powerpoint presentation, pinarinig at ipinakita ni Hontiveros sa mga mamamahayag ang usapan sa pagitan ng isang tao na nagpakilalang mula sa bilibid sa kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa, kung saan nanghihingi ito ng P1 milyon kapalit ng impormasyon at mga ebidensya na magdidiin kay dating Bureau of Correction Director Gerald Bantag sa pagpaslang sa beteranong mamamahayag.

Matapos na i-block ni Mabasa ang kausap, ang dalawang anak naman ni Lapid ang kinontak ng naturang indibidwal at matapos na hindi makuha ang hinihingi ay nagbanta na rin ito sa pamilya na mag-ingat sa kanilang buhay.

Dahil dito, sinabi ni Hontiveros na kanilang isusumite ang mga nakalap na ebidensya mula sa pamilya ni Percy Lapid sa PNP at NBI upang magamit sa isinagawang imbestigasyon.

Muli ay nanawagan si Hontiveros sa awtoridad at gobyerno na mas lalong patindihin ang pagbibigay ng seguridad sa pamilya ng napatay na mamamahayag. Cesar Morales