Banta sa pondo ng PCOO, okay lang kay Andanar

Banta sa pondo ng PCOO, okay lang kay Andanar

August 10, 2018 @ 3:28 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Iginagalang ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang karapatan ng mga mambabatas na bawasan, dagdagan o huwag silang bigyan ng pondo tulad ng banta ng ilan.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na malinaw naman sa kanila na may karapatan ang Kongreso na himayin at pag-aralan kung dadagdagan, babawasan o aalisan sila ng pondo sa susunod na taon.

Gayunman, ipinaaalala ni Andanar na ang PCOO ang communications arm ni Pangulong Rodrigo Duterte para maiparating sa publiko ang mga mensahe ng pangulo at hindi naman para sa kanila na nakapuwesto ang anumang nakalaang budget sa ahensiya.

Binigyang-diin ni Andanar na handa naman sila sa pagharap sa Kongreso kung saan kampante siyang masasagot niya ang mga mahahalagang queries ng mga mambabatas. (Kris Jose)