BANTAG, DAPAT SIMULAN NA ANG PAGKANTA

BANTAG, DAPAT SIMULAN NA ANG PAGKANTA

November 10, 2022 @ 11:08 AM 3 weeks ago


PARA sa mga hindi na nakakasubaybay sa imbestigasyon sa pagpatay kay Percy Lapid, isinapubliko na ng mga awtoridad ang mga pangalan ng siyam na sangkot sa pamamaslang sa matapang na radio commentator, kabilang ang suspendidong si Bureau of Corrections Director-General Gerald Bantag na itinuturing na utak ng krimen.

Pero sa mismong bibig na ni Justice Secretary Jose Crispin Remulla nanggaling na ang kaso ay “95 percent solved” na raw, kaya naman mas maraming naiisip na espekulasyon ang mga miyembro ng pamilyang inulila ni Lapid (tunay na pangalan: Percival Mabasa) na hindi sa pagtukoy kay Bantag natatapos ang krimen.

Naniniwala ang mamamahayag na kapatid ni Lapid, si Roy Mabasa, na mayroong iba pang mga sangkot. Kung mayroon man, iminumungkahi kong simulan na ni Bantag ang pagkanta.

* * *

Sa loob ng dalawang linggo, simula Nobyembre 6 hanggang 18, magtitipun-tipon ang mga pinuno ng mga bansa sa Sharm El Sheikh, Egypt para sa 2022 United Nations Climate Change Conference, ang climate summit na tinatawag ding Conference of the Parties o COP27.

Mayroong 27 ng climate summits na ito, ngunit bigo ang mga pandaigdigang leader na isakatuparan ang kanilang mga hangarin at ipinangako. Determinado naman ang Pinoy advocates na pangunahan ang pagigiit sa panawagang tuparin ang mga kinakailangang gawin, bitbit ang mga kuwento ng mga trahedyang dulot ng pagbabago ng klima na sumalanta sa Pilipinas.

Tama si Albay Rep. Joey Salceda, na nakibahagi sa mga naunang summits, sa pagsusulong ng isang calamity fund na magiging kapaki-pakinabang sa Pilipinas.

Aniya: “Kung hindi magkakasundo ang mga bansa sa aktuwal na bilang ng mga naglaho at napinsala, kailangan pa rin ng isang pandaigdigang ‘quick response fund’ na katulad ng ating calamity fund pero pinopondohan ng mga bansa, na nakabatay sa ambag nila sa pandaigdigang polusyon, at kaagad na magagamit ng mga bansa kapag naapektuhan sila ng mga kalamidad na may kaugnayan sa climate change.”

* * *

Naipokritohan ang AGHAM-Advocates of Science and Technology for the People sa paninita ni Pangulong Marcos sa state weather agency para ayusin ang pagbibigay nito ng babala kaugnay ng mga paparating na kalamidad kasunod ng mapaminsalang pananalasa ng bagyong “Paeng.”

Binigyang-diin ng Pangulo ang tumitinding banta ng climate change bilang isa sa kanyang mga pangunahing prayoridad.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa maga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.