Bantag ‘di nagtatago, lalabas sa tamang panahon – abogado

Bantag ‘di nagtatago, lalabas sa tamang panahon – abogado

November 11, 2022 @ 11:33 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi nagtatago at lalabas sa publiko sa tamang panahon, si suspended Bureau of Corrections chief Gerald Bantag na matatandaang sangkot sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ito ang sinabi ng kanyang abogado nitong Biyernes, Nobyembre 10 na si Atty. Rocky Thomas Balisong.

“Hindi naman kailangan kasi ‘yung pag-file ng kaso accusation pa lang ‘yan. Accusation is not synonymous with guilt. Kaya ang sinsabi ko noon, he’s not under obligation to show himself in public,” aniya.

“Wala pa naman siyang warrant of arrest. He is not in hiding, sa totoo lang,” dagdag pa ni Balisong.

Matatandaan na sinampahan na ng kasong murder sina Bantag, BuCor Senior Superintendent Ricardo Zulueta, at iba pang indibidwal na sangkot sa pagpatay kay Lapid at sa itinurong middleman na si Jun Villamor.

Nauna na ring inihayag ng pamahalaan na target nilang maglabas ng hold departure order laban kina Bantag at Zulueta.

Dahil dito ay dismayado umano si Bantag at nais na linisin ang kanyang pangalan kaugnay ng mga nangyari sa mga nakalipas na araw.

“Talagang dismayado siya na bakit humantong sa ganito. Basta ang sabi niya wala siyang kinalaman sa krimen na ito at lilinisin niya ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng legal na proseso,” giit ni Balisong.

“I was authorized by the client, nag-issue siya ng special power of attorney kasi nga lumalabas sa media na dinala sa last known address niya at wala, walang taaong magre-receive,” dagdag pa.

Si Balisong ay nagtungo sa opisina ng DOJ upang tanggapin ang subpoena na ibibigay kay Bantag.

“Pero mismo sa in-charge sa loob, sabi niya hindi pa na di-dispatch. So it will be coming from them at sila mismo ang magsi-serve sa client namin.” RNT/JGC