Bantag ‘di pa rin naghain ng komento sa Lapid slay case

Bantag ‘di pa rin naghain ng komento sa Lapid slay case

January 25, 2023 @ 8:19 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Tumanggi pa rin si suspended Bureau of Corrections chief Gerald Bantag na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya kaugnay ng mga pagpatay sa radio broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa at Bilibid inmate na si Jun Villamor.

Sa halip kas na magsumite ng kanyang counter-affidavit nitong Martes, naghain siya ng mosyon para muling pigilan ang panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) sa paghawak ng kaso, na nauna nang hindi pinagbigyan.

Nais kasi ni Bantag na ilipat ang kanyang kaso mula sa DOJ, at hayaan na ang Office of the Ombudsman ang magsagawa ng imbestigasyon.

Sinabi naman ni Rocky Balisong, ang abogado ni Bantag, na dahil ang kanyang kliyente ay may nakabinbing reklamo sa pagpatay laban kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa harap ng Ombudsman, dapat sana ay pinagsama-sama ang dalawang kaso.

Para sa kapatid ng pinaslang na broadcaster sa radyo, walang bagong impormasyon ang motion for reconsideration ni Bantag. RNT