Bantag itinuturo ng ilang saksi bilang mastermind sa pagpatay kay Lapid – abogado

Bantag itinuturo ng ilang saksi bilang mastermind sa pagpatay kay Lapid – abogado

November 3, 2022 @ 10:42 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tinukoy ang suspendidong Bureau of Corrections chief na si Gerald Bantag ng ilang saksi bilang mastermind sa pagpatay kay Percival “Percy Lapid” Mabasa, ayon kay Danilo Pelagio, legal counsel ni Roy Mabasa, kapatid ng pinaslang na mamamahayag.

“My partner, Atty. (Berteni) Causing (Mabasa family’s spokesperson), has earlier tagged Gen. (Gerald) Bantag and it seems that we are looking at him as one of the masterminds,” pahayag ni Pelagio.

Kasunod ng pagkanta ng umano’y gunman na si Joel Escorial at pagpatay sa itinuturong middleman na si Jun Villamor, sinabi ni Pelagio na marami pang lumitaw na saksi na itinuturo si Bantag.

“As far as I know, there are three gang leaders [who] identified [him] plus other minor inmates,” aniya.

Nang tanungin kung may ebidensya ang mga saksi laban kay Bantag, sinabi ni Pelagio na nabunyag ang money trail na ipinambayad sa gunman at naberipika sa pamamagitan ng bank deposits.

“They also specified or described how and who got the money in payment for the killing… Some of them raised inside the premises of the Bilibid and some of them were given by somebody which I cannot reveal right now,” aniya.

Itinanggi ni Bantag ang pagkakasangkot sa krimen.

Inilahad din ni Pelagio na natukoy ng mga imbestigador ang ilang bagong suspek bilang co-conspirators.

Samantala, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na mayroong dalawang masterminds na sinisilip sa pagpatay kay Lapid.

“We’re looking at two masterminds. There are a lot more in the conspiracy. All those we have in our custody, we’re looking at as a suspect and also a part of the plot,” sabi ni DOJ spokesperson Mico Clavano.

Ipinaliwanag niya na hindi pa pwedeng magkomento ukol sa pagkakakilanlan o koneksyon sa pagitan ng dalawang itinuturong masterminds.

Ayon kay Clavano, sa ngayon ay wala siyang nakikitang sorpresa na lalabas dahil pareho ang kwento ng mga saksi at suspek.

Iginiit pa ng DOJ na posible itong magsampa ng kaso hinggil sa pagpatay kay Lapid ngayong weekend o sa Lunes. RNT/SA