Bantag kabilang sa 160 indibidwal na persons of interest sa pagpatay kay Percy Lapid – Azurin

Bantag kabilang sa 160 indibidwal na persons of interest sa pagpatay kay Percy Lapid – Azurin

October 24, 2022 @ 11:56 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Halos 160 personalidad, kabilang ang sinuspindeng si Bureau of Corrections (BuCor) chief Director General Gerald Bantag, ang itinuturing na persons of interest sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid, ayon sa pulis nitong Lunes.

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police chief Rodolfo Azurin Jr. na tinuglisa ni Lapid ang mga nasabing personalidad sa kanyang programa.

Base pa kay Azurin, binusisi ng police investigators ang 600 postings ni Lapid kung saan sinita niya ang mga indibidwal na ito, kabilang ang mga politiko, militar, at kapulisan.

“‘Yung nabanggit ko na out of the 160 na mga personalities doon na mga nakasama doon sa issues doon sa programa ni Sir Percy Lapid, ay lahat po ‘yun persons of interest,” aniya.

Nang tanungin kung kabilang dito si Bantag, sinabi ni Azurin, “Oo, kasama siya.”

Sa kasalukuyan ay wala pang komento si Bantag ukold ito.

Sinuspinde si Bantag nitong nakaraang linggo kasunod ng pagkamatay ng itinuturong middleman — isang preso sa New Bilibid Prison — sa pagpatay.

Pinatay sa pamamaril si Lapid, host ng online broadcast program “Percy Lapid Fire” sa DWBL 1242 at kolumnista para sa Hataw, habang pauwi sa kanyang bahay sa Las Piñas City noong Oktubre 3

Sumuko na ang umano’y gunman na si Joel Escorial, sa mga pulis at kasalukuyang nahaharap sa mga kaso.

Hindi pa natutukoy ng mga imbestigador ang mastermind at motibo sa pagpatay. RNT/SA