Bantag naghain ng kasong murder vs Remulla, iba pa

Bantag naghain ng kasong murder vs Remulla, iba pa

January 5, 2023 @ 5:55 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Naghain si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag ng reklamo laban kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at iba pa sa Office of the Ombudsman kaugnay ng pagkamatay ng mamamahayag na si Percy Lapid.

Kinumpirma ito ng abogado ni Bantag na si Rocky Balisong.

Sa 15-page na may petsang January 4, inakusahan ni Bantag si Remulla at BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. ng murder, grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service at conduct unbecoming of a public official.

Sinabi ng kampo ni Bantag na si Remulla ang mastermind sa likod ng pagpatay kay Lapid at Jun Villamor, ang preso na umano’y nagsilbing middleman sa pakana.

Inihayag ni Bantag na nagpapakita ang pagyapag ni Catapang sa paglilipat ng mga preso mula sa New Bilibid Prison sa National Bureau of Investigation na kasabwat siya ni Remulla.

Nanawagan si Bantag sa Ombudsman na agad na mag-isyu ng preventive suspension orders laban kina Remulla at Catapang at magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay nina Lapid at Villamor.

Kabilang din sa respondents sa reklamo ang mga presong sina German Agojo, na umano’y inutusan ni Remulla na humanap ng mga taong papatay kay Lapid, Alfie Penaredondo, Aldrin Galicia, Mario Alvarez, at Alvin Labra.

Nauna nang naghain ng reklamo si Bantag laban kay Remulla noong December 27, 2022 sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, libel, grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service, at conduct unbecoming of a public official. 

Ito ay sa gitna ng imbestigasyon ng DOJ sa pagkamatay nina Lapid at Villamor.

Tinukoy sina Bantag, at dating BuCor deputy security officer Ricardo Zulueta, bilang masterminds sa likod ng mga pagpatay.

Nahaharap sila sa kasong murder.

Tugon naman ni Remulla sa reklamo, tinawag niya itong “desperate act of a desperate person.” Iginiit din niyang hindi niya kilala si Agojo.

“Ano yan, I don’t know where the legal theory is coming from, pero it’s okay. Ano yan eh, he’s trying to exhaust all his ano, all his possible remedies, which is to go against me personally, but it will not change anything,” ani Remulla.

“The cases will continue. Our job is to prosecute people. The DOJ is primarily the prosecutorial arm of the government and nobody else will do it, except us,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento si Catapang ukol dito.

Naghain din si Bantag ng motion for inhibition para mailipat ang kaso mula sa DOJ sa Ombudsman, at sinabing hindi inaasahang magiging impartial ang panel sa ilalim ng pangangasiwa ni Remulla. RNT/SA