Bantag nagsawa na sa dami ng akusasyon: Patunayan na lang nila

Bantag nagsawa na sa dami ng akusasyon: Patunayan na lang nila

December 22, 2022 @ 9:05 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hinamon ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag ang kanyang mga nag-akusa na patunayan ang kanilang sinasabi na siya ang sumasaksak sa mga preso sa New Bilibid Prison (NBP) noong nakaraang taon.

“Andami nila accusations, sawa na ako sumagot. Patunayan [na lang] nila na totoo,” ani Bantag ukol sa mga bagong alegasyon laban sa kanya.

Nauna nang nagpahayag ang mga bilanggo ng NBP na sina alyas Luis at alyas Rodel – na iniharap sa media noong Lunes – na nagsabing sinaksak sila ni Bantag noong Pebrero nang siya ay lasing at galit tungkol sa isang jailbreak na nangyari noong nakaraang buwan.

Inakusahan din si Bantag at iba pang opisyal ng BuCor ng plunder dahil sa umano’y kwestyunableng pagpapalabas ng pondo para sa pagpapatayo ng mga pasilidad ng ahensya.

Higit pa rito, kasalukuyang nahaharap sa mga reklamo sa pagpatay ang nasuspindeng prisons chief matapos siyang ituring na utak sa likod ng pagpatay sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa noong Oktubre, gayundin sa isang Bilibid inmate na pinaniniwalaang “middleman” sa balak na patayin ang mamamahayag. RNT