Bantag nanindigan, hukay sa Bilibid scuba diving pool

Bantag nanindigan, hukay sa Bilibid scuba diving pool

November 23, 2022 @ 7:52 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Iginiit ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag na ang nadiskubreng hukay sa New Bilibid Prison ay gagamitin bilang isang scuba diving pool.

Dagdag pa rito, itinanggi rin niya na kinausap niya si Justice Secretary Remulla na ang paghuhukay ay tungkol sa paghahanap niya ng Yamashita treasure.

“Wala naman akong matandaang ganoon, basta nga sabi ko naman sa inyong lahat na iyon ay scuba deep pool,” ani Bantag.

Kamakailan ay sinabi ni Remulla na nais niyang malaman kung saan dinala ang nasa 1.2 million cubic meters na lupa na kinuha mula sa hukay.

Sinabi naman ni BuCor officer-in-charge Gregorio Pio Punzalan Catapang Jr. na ang naturang mga lupa ay dinala sa Caloocan.

Kaugnay nito, pinabulaanan din ni Bantag ang naturang pahayag.

“Kalokohan na ‘yun, napakasinungaling din niya.”

Bilang pagtatapos, tumugon din si Bantag sa naunang pahayag ni Remulla na ang kasunduan sa ilalim ng BuCor at ng Agua-Tierra Oro Mina (ATOM) ay illegal.

“Kung baga respeto na lang sa DOJ secretary na may JVA (joint venture agreement) ganito kami sir, hinarangan naman nila. Sabi nila hindi pupwede. Bakit hindi pupwede?”

Ngayong araw, Nobyembre 23 ay nakatakdang magsagawa ng preliminary investigation ang DOJ ng dalawang murder complaints na inihain laban kay Bantag sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid at pagkamatay ng itinuturong middleman na si Jun Villamor. RNT/JGC