‘Bantag’ nasa likod ng pagpatay kay Lapid – Escorial

‘Bantag’ nasa likod ng pagpatay kay Lapid – Escorial

November 5, 2022 @ 10:28 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng umano’y middleman sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid na isang nagngangalang “Bantag” ang nag-utos ng nasabing pagpatay, ayon sa confessed gunman na si Joel Escorial sa kanyang supplemental affidavit.

Batay sa ulat, sinabi ni Escorial na hiniling sa kanya ng New Bilibid Prison inmate na si Cristito Villamor-Palaña na huwag tukuyin ang taong nag-utos ng pagpatay kung hindi ay papatayin si Villamor.

Naiulat na inihayag ni Villamor na pwede siyang ituro ni Escorial kaugnay ng krimen. Sinabi ng middleman na papatayin siya mismo kung papangalanan ang mastermind.

Iginiit ni Escorial na ito ang dahilan kung bakit hindi siya umamin nang sumuko siya sa mga pulis.

Kasunod ng pagkamatay ni Villamor noong Oktubre 18, isinama ni Escorial sa supplemental affidavit ang pangalan ni Bantag sa kanyang statement.

Isa ang supplemental sworn statement sa mga dokumentong isinumite sa preliminary investigation ng Lapid case sa Department of Justice.

Hindi inilahad ni Escorial kung sino ang Bantagna ito subalit ang director general ng Bureau of Corrections noong panahong iyon ay si Gerald Bantag.

Ayon sa ulat, sinabi ng kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa na nabasa na niya ang apat na sworn statements ng gang leaders sa loob ng kulungan.

Batay sa kanilang mga pahayag, sinabi ni Mabasa na mga opisyal ng BuCor ang nag-utos na patayin si Lapid at ang middleman na si Cristito Villamor-Palaña.

Inilahad niya na suspendido na ang mga nasabing opisyal.

“Ang lumalabas doon, BuCor officials. I presume kasama doon ‘yung mga pangalan na lumalabas na sa media. Ayokong pangunahan sila,” ani Mabasa.

Papangalanan ng PNP at NBI ang mga sangkot sa krimen sa Lunes, ayon kay Remulla.

Maghahain naman ang mga awtoridad ng murder sa hindi bababa sa 10 indibidwal na pumatay kina Lapid at Villamor.

Isiniwalat ni Remulla na isa sa mga suspek ang may mataas na posisyon.

“Very high in the chains Percy Lapid yung isa. We are almost there. Both cases will be bolstered by Monday,” sabi ni Remulla.

Iginiit ni Jeric “Bacoto” Sandoval, na umano’y ikalawang middleman, na hindi niya kilala si Escorial.

“Nagugulat nga siya di niya kilala pero so far hindi niya alam ang reason,” sabi ng abogado ni Sandoval na si Atty. Salvador Quimpo. RNT/SA