Bantag pumalag, hinamon si Remulla

Bantag pumalag, hinamon si Remulla

November 11, 2022 @ 2:35 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Binasag na ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag ang katahimikan nito sa kabila ng pagdawit sa pangalan sa likod ng pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Sa panayam ng SMNI nitong Biyernes, Nobyembre 11, hinamon niya si Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na bumaba sa pwesto dahil umano sa pakikialam nito sa imbestigasyon.

“Step down, Mr. Secretary, wala na kayong credibility,” ani Bantag, at idinagdag pa na kinokondisyon lamang umano ang isipan ng publiko upang idiin siya.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagsalita ang nasuspindeng BuCor chief makaraan na ihain ang murder complaints laban sa kanya at iba pang sangkot sa pagpatay kay Lapid at sa itinuturong middleman na si Jun Villamor.

Maliban dito, inilantad din ni Bantag na may plano umano sa politika si Remulla sa 2025 at ginagamit ang kanyang exposure sa DOJ.

“Hindi mo kailangan ng pera, gusto mo lang tumaas ang pangalan mo,” diin niya.

Sa ngayon ay wala pang tugon si Remulla kaugnay ng mga naging paratang ni Bantag. RNT/JGC