Bantag pumalag sa pagdawit sa kanya sa Lapid slay, ‘Anong mapapala ko diyan?’

Bantag pumalag sa pagdawit sa kanya sa Lapid slay, ‘Anong mapapala ko diyan?’

October 26, 2022 @ 12:25 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Itinanggi ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) director-general Gerald Bantag nitong Miyerkules, Oktubre 26 ang pagkakaugnay niya sa pagpatay sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.

Aniya, wala naman siyang mapapala dito.

“Wala po. Anong mapapala ko diyan?,” ani Bantag sa panayam ng DZRH nang tanungin kung siya ba ay sangkot sa Lapid case.

“Nagtagal na tayo sa BuCor, ang dami namang bumatikos sa ating mga blogger na ganyan. Wala namang namamatay na gano’n,” dagdag niya.

Dagdag dito, itinanggi din niya ang marangyang pamumuhay mula nang maupo bilang hepe ng BuCor.

“’Yung pinakita na video, tinawanan ko nga dahil sabi ko para namang lalabas ngayon akin lahat ang sasakyan. Anim na sasakyan ng BuCor ang gamit ko? Siyempre may personal din ako,” pagdidiin ni Bantag.

“Ano bang ranggo ko? Galing akong Marine, galing akong serbisyo. Diba ako nakakapagtabi rin? Ang kuri-kuripot ng kasama ko, kuripot na makunat pa. Makakapagtabi kahit sino. Kahit magbobote nakakabili ng motor, nakakabili ng kotse. Ako pa kaya na stable din ang trabaho ko?” dagdag niya.

Ang tinutukoy naman ni Bantag sa isyung ito ay ang pahayag ni Lapid sa kanyang programa sa radyo na mayroon umano siyang mansyon sa exclusive subdivision at 11 mga sasakyan.

Matatandaan kamakailan ay napasama si Bantag sa 160 personalidad na isinama sa listahan ng persons of interest sa pagpatay kay Lapid ayon sa Philippine National Police. RNT/JGC