Bantag tiwalang ‘di ididiin ni Zulueta

Bantag tiwalang ‘di ididiin ni Zulueta

November 14, 2022 @ 5:52 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Naniniwala si suspended Bureau of Corrections chief (BuCor) Gerald Bantag nahindi siya tatalikuran ng kanyang deputy sa pagkakasangkot nilang dalawa bilang principal suspects sa likod ng pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

“Kilala ko si Zulueta hindi nya gagawin ‘yun (na idiin ako),” giit ni Bantag na tinutukoy si BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta.

Inamin din niya na malapit sila sa isa’t isa ni Zulueta, maging sa iba niyang tauhan noong siya ay nasa opisina pa.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Philippine National Police at ng National Bureau of Investigation na iniutos umano ni Bantag kay Zulueta na patayin ang broadcaster, maging ang itinuturong middleman na si Jun Villamor.

Kinuntsaba umano ng huli si Iwahig penal colony inmate Denver Mayores, upang kumontak ng gang leaders sa New Bilibid Prison para maisagawa ang plano.

Taliwas sa mga inilahad ng mga awtoridad, sinabi ni Bantag na galit siya kay Mayores at siya umano ang nagpatapos dito sa kulungan sa Palawan.

Inihayag ni Bantag na ang huling beses na nakausap niya si Zulueta ay sa isang meeting bago siya suspendihin noong Oktubre.

Sa ngayon, sinabi ni Bantag na hihintayin niya ang subpoena, na inaasahang ipalalabas sa Lunes.

Sinabi rin niyang haharapin ang kasong murder. Subalit, kapag naisyu na ang warrant of arrest, susuko lamang umano siya kapag nagbitiw sa pwesto si Remulla. RNT/SA