Bantag wala pang natatanggap na subpoena sa Lapid slay case

Bantag wala pang natatanggap na subpoena sa Lapid slay case

November 17, 2022 @ 11:20 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag nitong Huwebes, Nobyembre 17 na hindi pa niya natatanggap ang subpoena kaugnay ng imbestigasyon sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

“Wala pa kong natatanggap. Sabi nila doon deemed served,” tugon niya sa panayam ng DZBB.

“Pero sabi naman ng barangay chairman doon na ever since na matanggap ko yung BuCor hindi na ako umuuwi doon dahil malayo. So wala din silang iniwan doon na subpoena,” dagdag pa niya.

Ani Bantag, nais niyang personal na dumalo sa preliminary investigation sa paratang laban sa kanya na mastermind ito sa pagpatay kay Lapid, sa kabila nito ay ikokonsidera pa rin niya ang abiso ng kanyang mga abogado.

“Sa preliminary procedure, puwede akong pumunta puwedeng hindi pero pinag-uusapan namin na gusto ko kasing pumunta doon,” aniya.

“Pero nagre-rely din po kasi ako sa mga lawyers kasi hindi naman ako abogado. Mas sila kasi ang nakakaalam ng laban na ganyan,” dagdag pa nito.

Nitong Martes, Nobyembre 15 ay sinabi ni senior assistant state prosecutor Charlie Guhit na inilabas na ang subpoena kay Bantag sa Caloocan City na tinukoy na address ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).

Sa kabila nito, wala naman umanong impormasyon ang NBI at PNP kung saan eksakto sa Baguio City nanunuluyan si Bantag.

“Bahala na yung abogado doon. Huwag na natin problemahin,” tugon niya nang tanungin kung saan ihahatid ang subpoena.

Matatandaan na inihain ang reklamong murder laban kina Bantag, BuCor Senior Superintendent Ricardo Zulueta, at iba pa sa pagpatay kay Lapid at sa itinuturong middleman na si Jun Villamor na namatay naman sa New Bilibid Prison. RNT/JGC