Bantilan Bridge sinira ni ‘Paeng’

Bantilan Bridge sinira ni ‘Paeng’

October 31, 2022 @ 9:45 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nalimitahan ang biyahe sa pagitan ng mga probinsya ng Batangas at Quezon dahil sa pagbagsak ng Bantilan Bridge na kumokonekta sa dalawang lugar, ayon sa mga opisyal nitong weekend.

Base kay Batangas 4th District Representative Lianda Bolilia, malaki ang magiging epekto ng pagkasira ng tulay sa trading sa pagitan ng dalawang lalawigan.

“Malaking epekto sa pangangalakal, bukod pa don, siyempre ‘yung transportasyon ng mga tao,” ani Bolilia nitong Linggo.

Isa ang Bantilan Bridge sa major infrastructure na na napinsala sa Tropical Storm Paeng (international name: Naegi), na nauna nang naiulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na pwede namang dumaan sa alternatibong ruta sa Batangas at Quezon.

Ayon naman kay Batangas Police Provincial Office (PPO) Director Police Colonel Pedro Soliba, nakatakdang maglagay ng barriers upang maiwasan na daanan ng mga biyahero ang river section kung saan dating naroon ang tulay.

“Obligadong bantayan natin, dagdagan natin ng mga concrete barrier para masiguro natin na wala nang mag-attempt pang dumaan,” aniya. RNT/SA