Banyagang walang kasamang kaanak na Pinoy ‘di maaaring pumasok sa Pinas – Immigration

Banyagang walang kasamang kaanak na Pinoy ‘di maaaring pumasok sa Pinas – Immigration

April 7, 2021 @ 2:55 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Iginiit ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na hindi makakapasok ng bansa ang mga dayuhang magulang, asawa at anak ng isang Filipino citizen kung hindi nila kasama sa paglalakbay ang huli.

Sa pahayag ni BI Commissioner Jaime Morente, muling iginiit nito na may umiiral na alituntunin para sa international travel na itinakda ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na hindi pinapayagan ang pagpasok ng mga banyagang magulang, asawa at anak ng mga Filipino kung sila ay nag-iisa sa paglalakbay.

Pinaalalahanan muli ni Morente ang mga dayuhan na bago sila makapasok sa bansa ay dapat may bitbit silang wastong visa. Aniya, ang pribilehiyo ng Balikbayan, na nagpapahintulot sa pagpasok sa bansa na walang visa para sa mga banyagang asawa at anak ng mga Filipino, ay nananatiling suspendido.

Ang paalala ay inilabas kasunod ng mga ulat na ilan sa mga dayuhan ay hinarang sa mga paliparan at hindi pinahintulutang makapasok sa bansa nang wala ang kanilang asawa, anak, o magulang na Filipino.

“Airlines and ships are obligated to ensure that only foreigners eligible to enter the country during the implementation of the travel restrictions are allowed to board their Philippine-bound flights,” ani Morente.

“The ban, which started last March 22 is in effect until April 21,” dagdag pa ng opisyal.  Jay Reyes


  •  
  •  
  •