Barangay food security program, umani ng supporta sa ilang ahensiya

Barangay food security program, umani ng supporta sa ilang ahensiya

September 9, 2022 @ 12:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umani ng buong suporta ang Senate Bill No. 395 o ang Barangay Food Security Bill na inihain ni Senador JV Ejercito mula sa ilang ahensiya ng pamahalaan partikular ang Department of Agriculture (DA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd) at Department of Trade and Industry (DTI).

Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on local government na pinamumunuan ni Ejercito, nagpahayag ng 100 porsiyentong suporta ang dumalong kinatawan ng naturang ahensiya.

“For the proposed bill, we are 100 percent in favor. We are supporting this bill kasi ito po ay isa sa mga kulang din na legislation na dapat i-push,” ayon kay Bien Saint Garcia ang Legislative Liaison Office ng DA sa ginanap na pagdinig nitong Huwebes.

Sinabi ni Garcia na mapapalakas ng panukala ni Ejercito ang inisyatiba sa pagtataguyod ng urban farming.

Inihayag naman ni DepEd Youth Formation Division officer-in-charge Rovin James Canja na maaaaring magsanib ang “Gulayan sa Paaralan Program” ng ahensiya sakaling maisabatas ang panukala.

Ani Ejercito, kailangan ilaan ang nakatiwangwang na lupa sa mga paaralan upang magtanim ang estudyante at makatulong na mapaunlad ang kanilang pagkiling sa agrikultura.

“In this modern age, as basic education, our children have to be exposed to farming and planting. Kasi dati noong panahon natin, meron pa nun. Ngayon, ang alam na lang ng mga bata, panay computer, panay Farmville. ‘Yon na lang ata experience nila sa farming,” ayon kay Ejercito.

Buo din ang suporta ng Vice Mayors’ League of the Philippines, Philippine Councilors’ League, at Liga ng mga Barangay sa Pilipinas sa panukala ni Ejercito.

Inaatasan ng panukala ang local government units na tukuyin ang idel lands, public parks, public school grounds, at idle private lands na maaaring pagtaniman ng vegetable crops.

Sa lugar na walang nakatiwang-wang na lupain, inaatasan din ng panukala ang pagtatayo ng vertical gardening at hydroponic systems.

Inaatasan ng panukala ang DA na magbigay ng punla at kagamitan sa implementasyon ng programa. Ernie Reyes