Barangay kagawad huli sa P100K ‘bato’

Barangay kagawad huli sa P100K ‘bato’

September 2, 2022 @ 12:23 PM 4 weeks ago


BENGUET-Arestado ang isang barangay kagawad matapos na salakayin ng mga otoridad ang bahay nito sa Brgy. Irisan, Baguio City kahapon ng umaga at makumpiska ang mga nakatagong hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P100,000.

Kinilala ng PDEA CAR ang suspek na si Brgy. Kagawad Francis Dagson.

Ang pagsalakay ay ikinasa ng mga pinagsanib na puwersa ng PDEA CAR at BCPO Station 9 sa bisa ng isang search warrant.

Bukod sa 7 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P108,596.00, may mga nakumpiska rin ang mga otoridad na mga iba’t ibang drug paraphernalia at digital na weighing scale.

Base sa intelligence report, si Dagson ang hinihinalang supplier at protector ng pinatatakbong drug den ni Marivic Rodriguez na naaresto naman noong August 2, 2022 kasama ang isang kliyente niya sa bisa rin ng isang search warrant.

Pinuri naman ni PDEA CAR Regional Director Gil Cesar Castro ang kanyang mga tauhan sa ipinakita nilang dedikasyon sa trabaho dahil kahit sa mismong araw ng 113th Baguio City Charter Day Celebration ay masigasig silang nagtratrabaho. Rolando S. Gamoso